DINIPENSAHAN ni Senate President Juan Miguel Zubiri ang mga hakbang ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. kaugnay sa sugar importation.
Binigyang-diin ni Zubiri na malinaw sa mga aksyon ni PBBM ang malasakit sa maliliit na sugar farmers.
Ito anya ay pinatunayan sa pagharang ni PBBM sa importasyon ng 300,000 metric tons ng asukal.
Iginiit ni Zubiri na nais malaman ng Punong Ehekutibo kung ano talaga ang halaga na kailangang angkatin ng bansa at hindi na lamang basta umangkat nang umangkat.
Ipinunto rin ng Senate leader ang patuloy na pakikipagpulong ni Pangulong Marcos sa iba’t ibang stakeholders ng agriculture industry para makahanap ng mga win-win solution sa problema sa suplay ng asukal.
Idinagdag pa ng senador na ang pagsang-ayon ng Pangulo sa mga sugar warehouse inspection na ikinasa nitong mga nakalipas na linggo ay pagpapakita ng pagnanais na malaman ang tunay na sitwasyon ng asukal sa bansa.
Isang hakbang din anya ito para masawata ang hoarding at smuggling ng mga produktong pang agrikultura. (DANG SAMSON-GARCIA)
