SA KABILA ng paniniwala na maaari nang ipatupad ang modified enhanced community quarantine o mas maluwag na quarantine, iginiit ni Senador Win Gatchalian na hindi pa dapat buksan sa susunod na dalawang buwan ang mga lugar kung saan marami ang nagtutungo tulad ng mga malls.
Sa panayam ng Senate Media, sinabi ni Gatchalian na may mga industriya nang dapat magsimula muli ang operasyon upang makabangon na ang ekonomiya ng bansa.
“Place of congregation yun eh. Basta may mga lugar na kung saan pwede magtipon, huwag na lang muna buksan sa susunod na 2 buwan,” sagot ni Gatchalian nang tanungin kung dapat isama ang mga mall sa posibleng buksan kung ipatupad ang modified quarantine.
Iginiit ng senador na sa kanyang pananaw, dapat simulang alisin ang quarantine sa mga lungsod o lugar na nakakapagsagawa na ng mass testing.
“Tingin ko ‘yung mga cities na kaya magtesting at mag-isolate, gaya namin dito sa Valenzuela, baka pwede na saming i-lift,” diin nito.
Aminado naman ang senador na malaking hamon pa rin ang mass transportation kaya’t dapat anyang magkaroon ng mga plano para sa pag-regulate dito.
Samantala, maging si Senador Panfilo “Ping” Lacson ay pabor na ipatupad na ang modified ECQ subalit kailangan pa ring pairalin ang social distancing.
“My suggestion is a modified ECQ, that is still compliant with social distancing, para mai-balanse ang isyu ng pampublikong kalusugan sa epekto sa ekonomiya ng bansa,” saad ni Lacson.
Iginiit nito na dapat munang magkaroon ng Economic Risk Assessment and Action Plan para tingnan ang epekto partikular na sa mga MSME’s dahil 70% ng workforce ng bansa ay nasa sektor nila at 30% ang kontribusyon nila sa pangkalahatang ekonomiya. DANG SAMSON-GARCIA
