PINAHIGPIT ni Mayor Francisco Domagoso ang sistema ng daloy ng mga sasakyan sa Maynila upang matiyak na maiibsan ang napakalalang trapik, kundi man tuluyang mawawala ang suliraning ito.
Dahil sa direktiba ni Domagoso na mas naunang nakilala sa pangalang “Isko Moreno,” hinigpitan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang daloy ng mga sasakyan, partikular na sa mga kalsadang madalas magkaroon ng trapik.
Inayos din ng MTPB ang pagliko sa kanan ng bawat sasakyan at iyong dadaanan kapag nag-u-turn ang mga sasakyan.
Ipinarating ito ng signipikanteng bilang ng mga motorista sa Saksi Ngayon.
Inihalimbawa nila ang kanto ng Recto at Morayta (patungo sa direksiyon ng Malakanyang) kung saan mayroong mga nagbabantay mula sa MTPB.
Binabantayan ng traffic enforcers ang mga sasakyang patungo sa direksyon ng Malakanyang, liliko sa Morayta Street, magyu-u-turn sa Recto pabalik sa direksyong patungo sa Divisoria, mula Recto pakanan sa Morayta at mula sa Morayta pakanan sa Recto.
Alistong nagbabantay ang mga traffic enforcer upang hulihin ang mga lalabag sa batas – trapiko tulad ng bawal lumampas sa puting linya sa kalsada.
Tinitiyak din ng traffic enforcers na ang mga sasakyan ay nakapuwesto sa gilid ng Recto upang kumanan ito nang maayos sa Legarda patungong Malakanyang, Taft o Quiapo.
Nakapuwesto naman sa dalawang linya sa kaliwa ng Recto Avenue ang mga sasakyang kakaliwa sa Legarda patungong Sta. Mesa.
Maging sa iba pang lugar ay ganito kalinaw ang latag ng daloy ng mga sasakyan upang hindi magkabuhol-buhol o hindi titigil nang 15 minuto hanggang 30 ang paggalaw ng mga ito.
Kahit sa Taft Avenue bago bumaba sa Lagusnilad (tapat mismo ng Manila City Hall) hanggang bago sumapit sa lungsod ng Pasay ay maraming traffic enforcers ang nagbabantay.
Matutuwa si Mayor Domagoso kung mayroong mga traffic enforcer dahil nangangahulugang sinunod at ipinatupad ng MTPB ang direktiba niya.
Kaso, ang impormasyong nakarating sa Saksi Ngayon ay ginagamit ang direktiba ng ‘matutulis’ na traffic enforcers upang hulihin ang sitahin ang mga motorista.
Habang sinisita at pinagsasabihan sa umano’y traffic violation bago tikitan ng traffic enforcer ang motorista ay natigil na ang mga sasakyan hanggang nagkandaletse-letse na ang daloy nito na nauwi sa matinding trapik.
Kung, inayos at ginabayan ng traffic enforcer ang motoristang matigas ang ulo ay siguradong hindi magkakaroon ng trapik.
Ang padron na ito sa maraming bahagi ng Maynila ay alam ng mga residente ng lungsod at mga nagagawi rito na isang “oportunidad” sa ‘matutulis’ na traffic enforcers upang kumita.
Dalawa lang ang pagpipilian ng mga nahuling motorista: Mag-abot ng P50 o tikitan ng traffic enforcer.
Ang kalakarang ito ay matagal nang nagaganap sa Maynila, dahilan upang kasuklaman ng mga motorista ang MTPB mismo.
Ang tawag ng mga tsuper ng dyip, bus at pedicab driver sa mga traffic enforcer ay “buwaya” at “kalaban.”
Noong bagong alkalde si Domagoso, maraming naglalabasang balita sa telebisyon na mga miyembro ng MTPB ang nahuhuli dahil sa pangingikil sa mga motorista.
Hindi itinanggi ni Wilson Chan Sr., MTPB chief of operation, ang masamang imahe at kredibilidad ng MTPB kahit mahigit isang taon nang iba ang pinuno nito at iba na rin ang alkalde ng Maynila.
Ngunit, idiniin ni Chan na “halos 80 porsiyento” na lamang ang ‘pasaway’ sa MTPB.
At isinusog niya na matagal nang nagtatrabaho ang 80 porsiyentong pasaway sa MTPB.
Tiniyak ni Chan sa Saksi Ngayon na unti-unting ‘nililinis’ ang MTPB.
Unang ginawa ng pamunuan ng MTPB ay tinanggal ang 40 traffic enforcers dahil sa iba’t ibang reklamo laban sa mga ito, banggit ng opisyal.
Tiniyak ni Chan na kung mayroong reklamo laban sa kanilang traffic enforcer ay kaagad itong ipinatatawag at inihaharap sa motoristang nagreklamo, sakaling mapatunayang nakagawa nga ng krimen laban sa motorista ay sinisibak ito. (NELSON S. BADILLA/JOEL O. AMONGO)
217
