INANUNSYO ni Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso ang paglulunsad ng “Manila Vital Care Kits” para sa mahigit 100,000 residente ng lungsod bilang bahagi ng paghahanda sa mga sakuna at emergency.
Ayon kay Domagoso, layunin ng programa na palakasin ang kahandaan at katatagan ng bawat sambahayan, paaralan, at lugar ng trabaho sa Maynila.
“We will never know when calamity will strike, but what we can do is prepare. This kit may help save lives,” pahayag ng alkalde sa kanyang Facebook Live nitong Lunes, Oktubre 13.
Ang nasabing proyekto ay pagpapatuloy ng “Emergency Go Bags” program na sinimulan noong 2020 sa unang termino ni Domagoso, kung saan namahagi ng dilaw na bag para sa mga guro at asul na bag para sa mga estudyante sa pampublikong paaralan.
Ngayong taon, ipamimigay ang Vital Care Kits sa 101,214 na benepisyaryo kabilang ang mga estudyante, barangay officials, tanod, city hall employees, at health workers. Batay sa talaan ng lungsod, kabilang dito ang:
13,110 senior high school students
19,942 Grade 10 students
9,725 Universidad de Manila (UdM) students
11,000 Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) students
10,000 barangay officials
15,729 barangay tanod
8,529 regular city employees
7,229 job order personnel
1,150 contract-of-service workers
4,800 health center staff
Ang bawat kit ay naglalaman ng mga basic medical at emergency tools gaya ng blood pressure monitor, glucose monitor system, oximeter, digital thermometer, pill organizer, antiseptic wipes, at SILVEX® wound gel — isang advanced wound care product na nagbibigay proteksyon laban sa impeksyon hanggang tatlong araw.
Ayon kay Domagoso, makakatulong ang mga kagamitan upang matugunan ang mga health emergencies habang naghihintay ng propesyonal na tulong. Pangangasiwaan ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office (MCDRRMO) at ng Health Department ang sistematikong pamamahagi sa tulong ng mga barangay.
“What we have today, we will deploy, because we don’t know how strong or how soon the next disaster will be. Let’s not panic, but let’s be prepared,” ani ng alkalde.
Hinikayat din ni Domagoso ang mga taga-Maynila na manatiling alerto kasunod ng mga nagdaang lindol sa Cebu, Davao, at Samar, at sinabing patuloy na natututo ang lungsod mula sa mga karanasang ito upang mas mapalakas ang disaster preparedness ng kabisera.
(JOCELYN DOMENDEN)
78
