MAS MALAKING OFW REMITTANCES KINAKAILANGAN NG PHL – – AKO-OFW

IGINIIT ng AKO—OFW party-list na mas kinakailangan ng bansa ang OFW remittances sa kabila ng paglabas ng perang puhunan ng foreign investors sa bansa.

Ayon sa Banko Sentral ng Pilipinas, patuloy ang paglabas ng Foreign Capital sa bansa simula pa noong Enero na umaabot na sa $283.69 milyon.

Kung kaya, nakikita naman ni AKO-OFW Party-list 1st nominee Dr. Chie Umandap ang kahalagahan ng paglago ng OFW Remittances para matapatan ang paglabas ng dolyar ng foreign investors.

Ang “OFW remittances” ay ang perang ipinadadala ng mga OFW sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas.

Ayon kay Umandap na dati ring Pinoy worker, malaki ang papel ng OFWs sa pagpapalago ng ating ekonomiya.

Kung kaya dapat lamang na mabigyan sila ng pamahalaan ng kaaya-ayang benepisyo tulad ng OFW-Pension plan, OFW-Discount, OFW-Pabahay at marami pang iba.

Binigyang-diin ni Dr. Umandap, na hindi sapat na bansagan lamang ng gobyerno na “Bagong Bayani” ang mga OFW bagkus dapat ay ipadama sa kanila ang tunay na malasakit hindi lamang tuwing may namamatay at nagte-trending na mga kaso at pang-aabuso sa mga OFW.

Dapat aniya na maramdaman din ng mga OFW na hindi namaltrato o namatay ang tunay na pagmamalasakit ng ating gobyerno kung hindi ano ba ang buhay na naghihintay sa kanila matapos ang ilang taong pagtatrabaho sa ibang bansa.

Sa datos ng BSP, ang gross inflows ay lumago ng 6.8% o $1.31 bilyon noong Enero mula sa $1.24 bilyon sa parehong buwan noong 2024. Mas mataas ito ng 25% kaysa sa $1.06 bilyon noong Disyembre 2024.

Samantala, ang remittances naman mula Enero hanggang Nobyembre 2024 ay umabot sa $34.61 bilyon o katumbas ng P1.83 trillion na nagpapakita ng 3.0% pagtaas kumpara sa $33.59 bilyon o katumbas ng P1.79 trillion na naitala sa parehong panahon noong 2023.

39

Related posts

Leave a Comment