PATULOY na kinikilala ng mga kagawad ng Philippine National Police ang mga responsable sa pamamaslang sa isang stand-up comedian na binaril ng ilang ulit sa loob ng isang beerhouse noong Sabado sa Angeles City sa lalawigan ng Pampanga.
Matapos ang siyam na oras na pakikipaglaban sa kamatayan, nalagutan ng hininga ang biktimang si Goldenier “Gold” Dagal, 38-anyos, sa Angeles University Foundation Medical Center kung saan siya isinugod matapos na barilin ng tatlong suspek sa katawan at mukha.
Batay sa report ng Angeles City Police, nangyari ang krimen noong Sabado ng gabi sa loob ng Pampanga’s Jest bar, sa naturang lungsod.
Isa sa mga motibong sinisilip ng mga awtoridad ang posibilidad na nagtanim ng galit ang mga suspek dahil sa paggamit ng biktima sa isang relihiyon sa kanyang comedic performances na madalas ay patungkol sa isang religious sect.
Nabatid na kilala ang biktima sa hanay ng mga stand-up comedian sa kanyang mga straight-faced humor na may bahid ng socio-political colors at taboo topics.
Ganito rin umano ang isa sa nakikitang mga dahilan ng ina nitong si Jocelyn Dela Cruz, sinabing posibleng umani ng kaaway ang mga pagbibiro ng kanyang anak sa kanyang shows.
Sa Facebook post ng kanyang ina na si Jocelyn Dela Cruz, ibinahagi nito ang pangarap ng kanyang anak na lumikha ng isang lugar kung saan maaaring talakayin ng mga tao ang mga sensitibong paksa sa isang ligtas na kapaligiran.
“I know those he offended with his jokes during one of his stints in his stand-up comedy shows, had planned to end his life like how they constantly threatened,” ani ni Jocelyn sa kanyang Facebook post.
“I have always reminded him that engaging in such dark humor can alienate or offend others. But some people who claim to be closest to God planned and perpetrated this crime,” dagdag pa nito.
Samantala, patuloy pa rin ang pagsisikap ng mga awtoridad upang matukoy ang mga suspek na posible umanong hired guns, at inaalam ang kanilang motibo sa krimen. (JESSE KABEL RUIZ)
