BILANG bahagi sa “Rabies Awareness Month,” inaanyayahan ng pamahalaang lungsod ang mga residente ng Maynila na may alagang “fur babies”, na samantalahin ang libreng anti-rabies vaccination na regular na ibinibigay ng city government sa maraming venues.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, ang lokal na pamahalaan ay may vaccination program para sa mga alagang aso at pusa na ginagawa sa City Hall, ng Manila Health Department (MHD) sa ilalim ni Dr. Arnold Pangan.
Ito ay bukod pa sa libreng bakuna na ibinibigay tuwing may “Kalinga sa Maynila” na umiikot sa mga barangay kung saan pwedeng dalhin ang kanilang mga alaga at hindi na kailangan pang magtungo sa Manila City Hall.
Sinabi pa ng alkalde, ang lungsod ay may walong uri ng animal bite treatment na libre ring ibinibigay sa animal bite clinic ng City Hall, at sa Sta. Ana Hospital sa ilalim ni Director Dr. Grace Padilla, at maging sa piling health centers na pinatatakbo ng MHD.
Nabatid pa sa punong lungsod na ang pakay ng programa ay upang nakatulong ‘di lamang sa pagbibigay kaligtasan sa alagang mga hayop kundi sa lahat ng mga miyembro ng pamayanan.
Nabatid na base sa datos ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH), nasa mahigit 4 na libo ang bilang ng naging biktima ng nakamamatay na rabies sa buong bansa.
Binigyang diin ni Lacuna na isa ring doktor, ang kahalagahan ng pagbabakuna ng anti-rabies sa mga alagang hayop dahil ito ay naisasalin mula sa hayop hanggang sa tao at maaaring magdulot ng kamatayan.
Ang mga alagang hayop na nabakunahan na ay nagtataglay na ng proteksyon, mas malusog, at mas aktibo, ayon kay Lacuna na may alaga ring aso.
Iginiit pa ng lady mayor ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kamalayan sa panganib na dulot ng rabies sa parehong hayop at sa may-ari nito at sa kung sinoman ang makagat ng hindi pa nabakunahang hayop
Nanawagan ang alkalde sa mga residente ng kabisera ng bansa na magsama-sama sa kampanyang mabakunahan ang lahat ng alagang hayop sa Lungsod ng Maynila at gawin ang kanilang bahagi na tiyakin na lahat ng pamayanan sa lungsod ay ligtas at malusog sa lahat ng oras. (JESSE KABEL RUIZ)
