MAYOR MARCY SINUSPINDE SA PAGLUSTAY NG PHILHEALTH FUNDS SA VIETNAM TRIP

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

ANG maling paggamit sa pondo ang nagdulot ng pagkakasuspinde ni Marikina Mayor Marcy Teodoro.

Lumitaw ang kontrobersyal na isyu matapos ibunyag sa reklamo ni Prof. Sofronio Dulay na ginamit umano ni Teodoro at ng kanyang asawang si Cong. Maan ang pondo ng PhilHealth para sa kanilang byahe sa Vietnam.

Ayon sa reklamo, bahagi ng P130 milyong PhilHealth funds na inilaan para sa serbisyong pangkalusugan ng mga residente ay ginamit hindi lamang sa pagbili ng mga gastusin na walang kinalaman sa kalusugan kundi pati na rin sa pagpopondo ng nasabing byahe.

“Napag-alaman namin na hindi lang ito simpleng maling paggamit ng pondo, kundi may malinaw na ebidensya na ginamit ang pera ng bayan sa personal na interes,” ani Dulay. “Dapat para ito sa serbisyong pangkalusugan, pero nagamit para sa travel expenses ni Mayor at ng kanyang asawa.”

Ayon sa Commission on Audit, mahigit P45 milyon na mula sa PhilHealth funds ang nagamit sa mga gastusing walang malinaw na kaugnayan sa pangkalusugang programa. Kasama sa iniulat na hindi awtorisadong paggastos ang biyahe sa Vietnam, na umano’y isinagawa sa ilalim ng opisyal na kapasidad ni Mayor Teodoro ngunit walang sapat na dokumentasyon na nagpapatunay na ito ay para sa isang health-related mission o programa.

“Nagpapasalamat ako sa Ombudsman kasi na-save nila ‘yung PhilHealth fund. Partly. Kasi nagastos na ni Mayor Marcy yung P45M,” dagdag ni Dulay.

Dahil sa mga alegasyon, naglabas ng anim na buwang preventive suspension ang Office of the Ombudsman laban kay Teodoro at iba pang opisyal ng Marikina City Government upang maiwasan ang posibleng paghawak nila sa mga ebidensyang makaaapekto sa imbestigasyon.

76

Related posts

Leave a Comment