(NI KEVIN COLLANTES)
MAGPAPABIYAHE ng may 140 Point-to-Point (P2P) buses ang Department of Transportation-Metro Rail Transit Line 3 (DOTr-MRT3) ngayong Holy Week.
Batay sa inisyung anunsiyo ng DOTr-MRT3 sa kanilang social media accounts nitong Huwebes ng umaga, ide-deploy nila ang mga naturang P2P buses mula Abril 15, Lunes Santo, hanggang Abril 17, Miyerkoles Santo, at mula Abril 20, Sabado de Gloria, hanggang Abril 21, Linggo ng Pagkabuhay (Easter Sunday).
Ayon sa departamento, layunin ng deployment ng mga naturang behikulo na matulungan ang mga suki nilang pasahero na maaapektuhan ng taunang Holy Week maintenance shutdown ng MRT-3.
Ang mga nasabing bus ay magsasakay at magbababa sa lahat ng istasyon (Northbound man o Southbound) ng MRT-3 mula 5:00 ng madaling araw hanggang 9:00 ng gabi.
Wala namang dapat ikabahala ang mga pasahero dahil nilinaw ng DOTr na ang magiging pasahe nila sa P2P bus ay katulad rin ng pasaheng ibinabayad nila sa MRT-3.
“Sa darating na April 15-17 at April 20-21, may kabuuang bilang na 140 P2P buses ang bibiyahe kada araw upang tulungan ang aming mga suking pasaherong apektado ng taunang Holy Week MRT-3 maintenance shutdown,” bahagi ng anunsiyo ng DOTr-MRT3.
“Nais din naming ipabatid sa inyo na ang pasahe para sa pagsakay sa mga P2P bus ay katulad ng fare matrix na ipinatutupad ng MRT-3,” bahagi ng anunsiyo.
“Hangad po ng pamunuan ng DOTr at ng MRT-3 ang inyong matiwasay na biyahe habang isinasagawa ang kinakailangang pagmimintina at pagkukumpuni sa ating train system,” dagdag pa nito.
Ang Bus Augmentation Program ay inisyatibo ng DOTr, MRT-3, Metro Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), at i-ACT Alpha/Bravo teams.
Matatandaang una nang inianunsiyo ng DOTr-MRT-3 na suspendido ang kanilang operasyon mula Lunes Santo hanggang Linggo ng Pagkabuhay upang bigyang-daan ang kanilang taunang maintenance shutdown.
Ang MRT-3, ay bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), mula Taft Avenue, Pasay City hanggang North Avenue, Quezon City.
535