(NI JG TUMBADO)
IIMBESTIGAHAN na ng Philippine National Police (PNP) ang dalawang miyembro nitong nahuli sa aktong nag-iinuman sa pampublikong lugar sa Quezon City, Lunes ng gabi.
Ayon kay Sr. Supt. Bernard Banac, tagapagsalita ng PNP, maaaring mapanagot sa kasong administratibo at iimbestigahan ng PNP Internal Affairs Service sina SPO1 Franklin Nariz at PO3 Tristan Callao.
Si Nariz ay nakatalaga sa PNP Maritime Group habang si Callao naman ay naka-assign sa Headquarters Support Service ng Kampo Crame.
Diin ni Banac, mahigpit nang ipinagbabawal sa mga pulis na uminom ng alak sa mga pampublikong lugar, naka-uniporme o hindi sa layong mapanatili ang magandang imahe ng pambansang pulisya.
“Iwasan natin ang anything na makacontribute sa negative image whether nakauniporme kayo o hindi, for as long as public place ‘yan, iwasan na lang po natin,” pahayag ni Banac.
Sinabi ni Banac na maaaring maharap sa parusang suspensyon o demotion ang dalawang pulis.
Hawak na ng Counter Intelligence Task Force ang mga larawan at video na nagpapakitang nag-iinuman sina Nariz at Callao sa Korabs Canteen sa Justice Lourdes Paredes San Diego Avenue, Quezon City.
“We assure the public that we will continue to pursue our campaign on internal cleansing and we will not hesitate to dismiss personnel from the service to rid our ranks of misfits and scalawags,” dagdag pahayag ng opisyal.
214