2 pulis sa Moralde killing pinalaya PISKAL KAKASUHAN NG PNP

pulis

PINAG-AARALAN ng Philippine National Police (PNP) ang paglipat sa City Prosecutor o sa Metro Manila, sa preliminary investigation sa limang suspek, kabilang ang dalawang pulis, na sangkot sa pagpatay kay Police Captain Rolando Moralde sa Parang, Maguindanao del Norte.

Nitong nakalipas na linggo, ipag-utos ng Provincial Prosecutor ng Maguindanao ang pagpapalaya kina Police Master Sergeants Aladdin Ramalan at Shariff Balading, dahil umano’y “warrantless arrest” sa dalawang pulis at kakulangan ng isinumiteng mga ebidensya, bagama’t sa CCTV footage ay nakita silang pinapuputukan si Capt. Moralde.

Dahil dito, tinututukan din ng PNP Legal Department ang posibleng pagsasampa ng kaso laban sa piskal ng Maguindanao del Norte na nag-utos sa pagpapalaya sa dalawang pulis na sangkot sa pagpatay kay Capt. Moralde noong Mayo 2, 2024

Bahagi ng isinasagawang pag-aaral ang posibilidad na maaaring may ‘conflict of interest’ dahil kaanak ng dalawang pulis na suspek, ang asawa ng naturang piskal.

Nabatid na kamag-anak din ng dalawang pulis si Mohiden Ramalan Untal, ang taong hinuhuli at napatay naman ni Moralde dahil sa pagdadala ng baril habang nagtitinda ng buko.

Ayon kay Col. Jean Fajardo, tagapagsalita ng PNP , dapat ay nag-inhibit ang piskal kung may kaugnayan ito sa mga suspek, at nanindigan na malinaw na murder ang kaso dahil kita sa kuha ng CCTV na walang kalaban-laban si Moralde nang ito ay pagbabarilin ng dalawang pulis.

Sa pulong balitaan sa Camp Crame, nilinaw Fajardo na hindi inaresto kundi kusang sumuko ang dalawang pulis.

Binigyang-diin pa ni Fajardo na “properly documented” ang naturang pagsuko kung saan tumestigo pa ang kapatid na babae ng isa sa mga suspek, at isinumite ng PRO-BAR ang CCTV footage kung saan kitang-kita ang pamamaril ng dalawa sa biktima.

Alinsunod sa utos ng prosecutor, pinalaya ang dalawang pulis noong Mayo 8 pero naglabas ng direktiba ang PRO-BAR noong Mayo 10 na naglagay sa dalawang pulis sa Restrictive Custody sa PRO-BAR headquarters.

Kasalukuyan pang hinahanap ang tatlo pang ‘at large’ na mga suspek sa kaso. (JESSE KABEL RUIZ)

52

Related posts

Leave a Comment