4 PULIS NA SANGKOT SA KIDNAPPING, MASISIBAK SA SERBISYO

AGAD pinasimulan ng Philippine National Police-Internal Affairs Service (PNP-IAS) ang kanilang imbestigasyon laban sa apat na pulis na inakusahang sangkot sa pagdukot sa apat na mga banyaga sa Pasay City.

Ayon kay PNP-IAS Inspector General Atty. Brigido Dulay, nag-umpisa na ang kanilang pre-charge investigation na unang hakbang sa paghahain ng kasong administratibo laban sa mga pulis na sinasabing pangunahing suspek sa pagdukot sa tatlong Chinese at isang Malaysian national.

Sinasabing oras na makakalap ng kinakailangang mga ebidensya, agad na magrerekomenda ang PNP-IAS ng dismissal o pagsibak sa serbisyo laban sa sangkot na mga pulis.

Magugunitang unang ipinahayag ng Department of the Interior and Local Government at PNP na sindikato ang apat na pulis na mayroong mga kasabwat na sibilyan, makaraang ipresenta sila sa media sa Camp Crame.

May lumutang na mga impormasyon na may isang dating politiko at isang tauhan ng immigration ang kasabwat umano at kasama sa mga nagplano ng nasabing pagdukot sa mga banyaga

“This incident is a serious breach of public trust and the core values of the police force. The Philippine National Police (PNP) will not tolerate any misconduct within their ranks,” ayon kay SILG Benhur Abalos sa ginanap na presentasyon sa mga suspek.

“They are committed to transparency throughout the investigation and prosecution process and will provide regular updates to ensure all developments are communicated effectively,” ayon sa kalihim.

Ang mga suspek ay may ranggo na Police Major; Police Senior Master Sergeant; Police Master Sergeant, at Police Staff Sergeant, nakatalaga sa Makati City, Pasay City, Camp Crame at sa National Capital Region Police Office (NCRPO).

Sa ‘fact of the case’ na ibinahagi ni Sec. Abalos, sakay ang apat na foreign nationals ng kanilang sasakyan nang harangin ng ilang pulis na sakay ng Philippine National Police (PNP) motorcycle, sa Taft Avenue. Nakasunod naman ang isang puting van sa kanilang sasakyan.

“Pagkatapos bumababa ay kinuha ‘yung apat na dayuhan. They abducted the four individuals,” pahayag pa ng kalihim.

Pinakawalan umano ang dalawa na kapwa may mga pinsala, matapos magbigay ng P2.5 milyong ransom sa kidnappers.

Habang nakatakas naman umano ang dalawa na humingi ng tulong sa mga awtoridad na nagkasa ng operasyon at nasakote ang apat na pulis, pahayag naman ni General Marbil. (JESSE KABEL RUIZ)

50

Related posts

Leave a Comment