ALVAREZ GUSTONG IPASIBAK SA KONGRESO

NAIS ng complainant na si Tagum City, Davao del Norte Mayor Rey Uy na matanggal bilang miyembro ng Kamara ang kanilang kongresista na si dating House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez.

Sa ambush interview kahapon sa Kamara, sinabi ni Uy na bagama’t ipinauubaya nito ang desisyon sa House ethics committee and privileges kung anong parusa ang ipapataw kay Alvarez ay nais niyang matanggal ito sa Kamara.

Si Uy kasama ang ibang complainant ay personal na dumalo sa pangalawang pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Coop-Natcco party-list Rep. Felimon Esperas sa ethics complaint na isinampa ng mga ito laban kay Alvarez.

May kaugnayan ang kaso sa libelous remarks umano ni Alvarez laban sa mga opisyales ng Davao del Norte, pagiging pala-absent nito sa Kongreso at sa panawagan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) na iwithdraw ang suporta sa kanilang Commander in Chief na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

“Sa complaint namin, expulsion (ang hiniling),” ani Uy subalit ang pinal na desisyon aniya ay nasa kamay pa rin ng mga miyembro ng komite.

Hindi sinang-ayunan ni Uy ang depensa ni Alvarez na bahagi ng freedom of speech ang kanyang pahayag sa Maisug rally sa Davao del Norte noong nakaraang buwan.

“Huwag nating gawin ang freedom of speech na maski ano na lang ang sabihin natin sa kapwa natin opisyal. Ang Freedom of speech is not absolute kaya may batas tayong libel eh. Hindi ka basta-basta magmura ka na lang dito kahit sino,” ani Uy.

Tulad ng mga nakagawian ay hindi binuksan sa publiko at maging sa media ang pagdinig ng komite sa reklamong isinasampa laban sa mga miyembro ng Kamara.

Personal na dumalo si Alvarez.

Sa panayam naman kay Esperas, kinumpirma nito na may tatlong reklamo laban kay Alvarez subalit ibinasura agad ang tungkol sa habitual absences dahil sa kawalan umano ng ebidensya.

Itutuloy ng komite ang imbestigasyon sa Lunes. (BERNARD TAGUINOD)

40

Related posts

Leave a Comment