(NI ABBY MENDOZA/PHOTO BY ARCHIE CRUZ POYAWAN)
TINIYAK ng Manila Water na makatatanggap ng relief o ayuda sa kanilang billing sa tubig ang kanilang mga customers na naapektuhan ng water interruption.
Sa naganap na pagdinig Miyerkoles ng House committee on public accounts sa isyu ng water shortage, sinabi ni Manila Water President Ferdinand Dela Cruz na may team na silang nagsasagawa ng pag-aaral kung paano mabibigyan ng relief ang naapektuhang residente gayundin kung paano ito maipatutupad.
Sa ngayon ay 95% na sa kanilang customers ang naibalik ang supply, 11 barangay na lamang umano ang walang tubig at bago matapos ang buwan ng Marso ay target na maging 99%.
Sa gitna ng pagdinig muling inulit ni dela Cruz na handa syang magbitiw sa pwesto kung ito ang magiging daan para masolusyunan ang problema ngunit bwelta naman ng mga mambabatas tapusin ni dela Cruz ang problema saka ito umalis sa kompanya.
Kaugnay nito, isinusulong ni House Minority Leader Danilo Suarez na sa General Appropriations Act(GAA) na lamang kunin ang budget ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System(MWSS), katwiran ni Suarez kaya malambot ang MWSS sa Manila Water at Maynilad ay dahil sa dalawang concessionaire nila nakukuha ang kanilang operational expenses.
Nabatid na P400M ang concession fees na ibinabayad ng mga concessionaires sa MWSS.
ADMINISTRATOR VELASCO OK KAHIT MASIBAK
Handa si MWSS Administrator Reynaldo Velasco na masibak sa tungkulin kung ito ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.
“Opo, walang problema po yun. Basta hindi namin kaya, sabi naman ng Pangulo ‘pag di niyo nagawa eh pasensya na lang kayo, aalisin kayo’,” tugon ni Velaso sa nauna nang pahayag ng Pangulo na aalisin ang mga MWSS officials sa gitna na rin ng nararanasang problema sa tubig.
Nasa prerogative na umano ng Pangulo kung iterminate ang kontrata ng dalawang water concessionaires.
“The President can always do what he wants,” giit ni Velasco.
147