BALA NA PARA SA KAAWAY TUMAMA SA BATA

Duguang isinugod sa ospital ang isang batang babae na tinamaan ng ligaw na bala mula sa lalaking nagtangkang bumaril sa matagal na nitong kaaway sa Lungsod ng Caloocan kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ni Caloocan City deputy police chief for administration Supt. Ferdie Del Rosario, ganap umanong alas-8:40 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Phase 9, Package 7, Barangay 176, Bagong Silang ng nasabing lungsod.
Pauwi na umano sa bahay ang biktimang si Janice Borabien, 10, ng nasabing lugar nang bigla itong makaramdam ng matinding pananakit sa kanang binti.
Nang kanyang tingnan ay nakita niyang dumudugo ang kanyang binti dahil sa tama ng ligaw na bala mula sa suspek na si Jon Jon Villajos, 30 anyos ng nasabing lugar.
Bago ang insidente, napag-alamang naglalakad din ang suspek kasama ang umano’y kinakasama nitong si Maricar Cabahug, 30 anyos.
Nagkataong nakasalubong nila ang dating kaalitan na sina Dino Brazil, 47 anyos at asawa nitong si Maricris, pawang mga taga- Block 83, Phase 9, Package 8, Bagong Silang ng parehong lungsod.
Dahil may dati nang alitan, agad nagbalik ang galit ng mga ito at nagkasinghalan.
Dito na bumunot ng baril si Villajos at pinaulanan ng bala ang mga kaaway na swerteng hindi tinamaan.
Ngunit sa kasamaang palad ay nasapol ng bala si Borabien na walang kaalam alam sa nangyayari.
Mabilis namang naisugod sa Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital ang biktima na kasalukuyang nagpapagaling.
Mabilis namang nakatakas ang suspek na pinaghahanap na ngayon ng pulisya.

7

Related posts

Leave a Comment