BARMM ELECTION TULOY NA

IKINATUWA ng Muslim congressmen na sa wakas ay matutuloy na ang eleksyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at magkakaroon na ng pagkakataon ang Bangsamoro na maghalal ng mga lider na mamumuno sa kanila.

“Ang Bangsamoro ay para sa Bangsamoro, hindi lamang para sa iilan. Panahon na para ang mamamayan ang sumulat ng kanilang kasaysayan. Walang tunay na demokrasya kung wala sa kamay ng mamamayan ang pagpili ng kanilang mga pinuno,” ayon kay House Deputy Minority Leader at Basilan Rep. Mujiv Hataman.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag matapos tiyakin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na wala nang urungan ang BARMM election sa susunod na taon at makapaghahalal na ang Bangsamoro ng kanilang lider sa unang pagkakataon.

Sa kasalukuyan, pawang mga appointed ang mga opisyales ng BARMM matapos ipagpaliban ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang unang eleksyon na itinakda ng Bangsamoro Organic Law noong 2022 at inurong ito sa taong 2025.

“Natutuwa tayo na kinikilala ng Pangulo ang karapatan ng mga taga-Bangsamoro region na pumili kung sino ang mamumuno sa kanila. Napakahalaga sa puntong ito sa kasaysayan ng BARMM. This is the culmination of the people’s right to self-determination and self-governance that many fought for,” ani Hataman.

Sinabi naman ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na excited na umano ang Bangsamoro na maghalal ng kanilang mga bagong lider sa unang pagkakataon mula nang mabuo ang BARMM na kapalit ng dating Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).

“This is going to be the first election of the BARMM, simultaneous with the national and local governments in 2025, and we are very excited as a resident of BARMM,” ayon kay Adiong.

Ang BARMM ay bunga ng peace talks sa pagitan ng gobyerno at Moro Islamic Liberation Front (MILF) na sinimulan noong panahon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III.

Dahil dito, marami sa appointed officials sa BARMM ay mga dating opisyales ng MILF. (BERNARD TAGUINOD)

46

Related posts

Leave a Comment