(NI MITZI YU)
TONE-TONELADANG basura ang hinakot ng pamahalaang lungsod ng Maynila sa ginawang clean up drive sa Divisoria kaninang umaga matapos ang selebrasyon ng Bagong Taon.
Ayon kay Task Force Clean Up chief, Che Borromeo, sinimulan ang paglilinis at paghahakot ng basura mula alas-4 ng madaling-araw hanggang tanghali.
Umaabot sa 35 truck ng basura ang nahakot na bawat trak ay naglalaman ng tinatayang pitong tonelada o mahigit na 300 tonelada.
Ani Borromeo, hindi na pumalag ang mga vendor nang paalisin sila sa mga puwesto, at simula aniya ngayong Enero 1, hindi na sila maaaring magtinda sa kahabaan ng Claro M. Recto at iba pang kalye sa Divisoria na maaaring makasagabal sa daloy ng mga sasakyan.
Mananatili na lamang aniya ang mga dati ng nagtitinda sa mga gilid-glid ngunit hindi sila maaaring lumagpas sa kalsada.
Nagtulong sa paglilinis ng mga kalat na iniwan ng mga vendor ang Department of Public Safety, Bureau of Fire Protection kasama ang mga pulis.
Samantala, una nang ipinag-utos ni Manila Mayor Joseph Estrada na simula sa Enero 1, 2019 ay bawal na magtinda ang mga vendor sa Divisoria na kanyang pinagbigyan alang-alang sa Pasko upang kumita para sa kanilang mga pamilya.
232