DACERA CASE, ‘DI PA SARADO

HINDI pa sarado ang kaso ng pagkamatay ni Christine Dacera kahit na mayroong autopsy report ang Philippine National Police (PNP) na nagdeklarang hindi ginahasa at lalong hindi pinatay ang 24-anyos na flight attendant ng sinumang nakasama niya New Year’s Party sa City Garden Grand Hotel sa Lungsod ng Makati.

Ayon sa piskalya ng Makati, hihintayin pa nila ang sagot ng pamilya Dacera hinggil sa pananaw ng PNP.

Ipinarating ng abogado ng pamilya Dacera na pag-aaralan nito nang maigi ang autopsy report na ipinasa ng PNP sa piskalya ng Makati.

Sa ipinasang ulat noong Miyerkoles sa tanggapan ng prosekyutor ng Makati, nakasaad dito na si Dacera ay namatay dahil sa “ruptured aortic aneurysm”.

Ibig sabihin, hindi homicide at hindi rin siya ginahasa, kundi isang “medical condition” ang sanhi ng pagkamatay ni Dacera.

Binanggit din sa ulat na tumaas sa 500 gramo ang timbang ng puso ng dalaga na malayo sa 300 gramo na siyang normal na timbang ng puso.

Ipinaliwanag ng medico-legal expert ng PNP na si Lt. Col. Joseph Palmero, na “raptured within few hours” ang ikinamatay ni Dacera.

“Rape and/or drug overdose will not result (in) the development of aneurysms. Even overdose and ruptured aneurysm are two different conditions and cannot be both included as cause of death of a patient”, patuloy ni Palmero.

Tinukoy ni Palmero na “the manner of death is classified as natural death” batay sa impormasyong nakalap at napag-aralan ng kanyang tanggapan hinggil sa pagkamatay ni Dacera.

Natapos ang autopsy report noong Enero 11.

Ayon sa PNP, ang nasabing ulat ng medico-legal expert ang “opisyal” na posisyon ng pambansang pulisya kung saan nakabatay sa masusing pag-aaral sa iba’t ibang parte ng katawan ng biktima.

Kakaiba ito sa malayo at tahasang salungat na unang pahayag ng mismong pinuno ng PNP na si General Debold Sinas, na ginahasa at pinatay si Dacera.

Ayon noon kay Sinas, labing-isa ang suspek sa krimen.

Kagyat na sinampahan ng mga kaso ang mga suspek sa piskalya ng Lungsod ng Makati, ngunit mabilis ding ibinasura ang mga kaso dahil sa walang malinaw na ebidensiya laban sa mga akusado.

Nagpasya ang piskalya na magsagawa ng “preliminary investigation” hinggil sa krimen upang matukoy kung sino, o sinu-sino ang mayroong kinalaman sa pagkamatay ni Dacera.

Nagkaroon pa ng kontrobersiya sa preliminary investigation dahil umamin ang ilan sa mga suspek na tinaniman nila ng ilegal na droga ang ininom ni Dacera.

Ngunit inatras at binawi rin ito dahil napilitan silang sabihin ito sa piskalya bunsod ng pananakot umano ng ilang pulis sa Makati na ‘mabubulok’ sila sa kulungan kung hindi babanggitin sa piskalya ang isyu tungkol sa ilegal na droga.

Kasama ang labing-isang kaibigan, si Dacera ay nagdiwang sa pagsalubong ng Bagong Taon sa City Garden Grand Hotel sa Lungsod ng Makati kung saan siya namatay.

Isinugod siya sa pinakamalapit na pagamutan ngunit hindi naisalba.

Sa kabilang banda, itutuloy pa rin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang sarili nitong imbestigasyon alinsunod sa direktiba ni Justice Menardo Guevarra.

Posible ring rebyuhin at pag-aralang mabuti ng NBI ang PNP autopsy report. (NELSON S. BADILLA)

174

Related posts

Leave a Comment