Hatol sa mga pulis ‘di sapat HUSTISYA IPINAGKAIT KAY JEMBOY – SOLON

PINAGKAITAN ng hustisya si Jemboy Baltazar at ang kanyang pamilya.

Ganito inilarawan ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas ang sentensya ng korte sa Navotas City sa mga pulis na nasa likod ng pagpatay umano kay Baltazar na napagkamalang kriminal kaya pinagbabaril.

“Justice was brutally denied for Jemboy Baltazar. The alarming leniency towards the officers sends a chilling message that law enforcement can act with impunity, perpetuating a culture of fear in our communities,” ani Brosas.

Noong Martes, hinatulan ng Navotas City Regional Trial Court (RTC) Branch 286, ng apat hanggang anim na taong pagkabilanggo si Police Staff Sergeant Gerry Maliban matapos mapatunayan na mula sa kanyang baril ang mga balang tumama sa biktimang si Jemboy.

Apat na buwan na pagkabilanggo naman ang sentensya ng korte kina Police Staff Sergeant Niko Pines Esquilon, Police Executive Master Sergeant Roberto Balais Jr., Police Corporal Edmard Jake Blanco, at Patrolman Benedict Mangada subalit makalalabas na ang mga ito sa kulungan dahil mahigit apat na buwan na silang nakakulong.

Inabsuwelto naman ang ika-6 na pulis na si Police Staff Sergeant Antonio Bugayong Jr., matapos mapatunayan na hindi ito nagpaputok ng kanyang baril.

Labis itong ikinabahala ni Brosas dahil sa kabila ng mga ebidensya na pinatay nang walang kalaban-laban ang biktima ay napakagaan ng parusang ipinataw ng korte sa mga suspek.

“The heartbreaking case of Jemboy Baltazar illuminates the deep-rooted flaws within the Philippine justice system, where accountability for police misconduct is often evaded. This failure to hold perpetrators accountable for the loss of innocent lives perpetuates a vicious cycle of violence and injustice,” ani Brosas.

Dahil dito, iginiit ng mambabatas na dapat rebyuhin ang hatol ng korte sa mga pulis upang maipataw ang nararapat na parusa sa mga ito.

(BERNARD TAGUINOD)

57

Related posts

Leave a Comment