100 KATAO BIKTIMA NG SCAM SA TAYLOR SWIFT CONCERT

NAGPASAKLOLO sa National Bureau of Investigation- Cybercrime Division ang 100 indibidwal na umano’y nabiktima ng scammer na nagbenta ng ticket para sa Taylor Swift concert.

Napag-alaman, halos karamihan sa mga biktima ay dumiskarte lamang sa paghahanap ng pambili ng ticket online ngunit noong Hulyo ng nakaraang taon ay sold-out na ang ticket para sa concert ni Swift.

Ayon sa isang biktima, may nakapagsabi umano sa kanya na may kakilala ito sa online na may access sa Eras Tour sa Singapore sa Marso.

Sa pamamagitan ng online banking, agad itongg nagbayad ng P65,000 sa isang lalaki na inakala niyang legit na nagbebenta ng ticket dahil mayroon itong ipinakitang proof ng transaksyon sa ibang tao.

Pinangakuan umano siya na makukuha ang ticket, dalawang linggo bago ang concert ngunit hindi na niya makontak ang nasabing lalaki mula noon.

Hanggang sa nadiskubre ng biktima sa social media na marami ang nagrereklamo hinggil sa naturang seller na naloko umano sila.

Kabilang din ang ilang celebrity sa na-scam umano ng naturang ticket seller.

Kaugnay nito, ipinayo ng NBI na sa lehitimong ticket office lamang bumili ng concert tickets.

Ayon kay NBI Cybercrime Division Ex-O, Atty. Raymond Panotes, dapat mag-ingat at kahit nagpadala ng ID o identification card ang seller ay hindi ibig sabihin na ito ay totoo.

Ayon pa sa ulat, hindi lamang sa Pilipinas nangyari ang scam sa ticket selling dahil marami ring concert goers ang nabiktima nito sa Singapore na tinanggal na umano ang live listing ng Taylor Swift tickets dahil sa scam incidents.

(RENE CRISOSTOMO)

58

Related posts

Leave a Comment