(NI JG TUMBADO/PHOTO BY RAFAEL TABOY)
NAGING emosyonal at hindi napigilang tumangis ang pamilya, kaanak at kaibigan ang ginunitang pag-alaala sa 44 miyembro ng PNP-Special Action Force o ang tinaguriang SAF 44 na minasaker sa nangyaring engkuwentro sa Mamasapano, Maguindanao, apat na taon na ang nakakalipas.
Biyernes ng hapon ay pinangunahan nina PNP Chief Director General Oscar Albayalde at NCRPO Chief Gen. Guillermo Eleazar ang “Day of National Remembrance” para sa napaslang na mga pulis sa Camp Bagong Diwa sa Taguig.
Isinagawa ng top police officials ang wreath–laying ceremony kung saan ay sinaksihan mismo ng ilang mga naulilang pamilya at kaanak ng mga yumao na habang inilalaylay ang bulaklak sa memorial shrine para sa nasawing SAF troopers ay pansamantalang naging emosyunal ang seremonya.
Kasabay sa seremonya ay pinasinayaan ang bagong SAF 44 memorial na siyang magsisilbing permanenting ala-ala sa kabayanihan ng mga nasawi.
Sa isang bahagi ng talumpati ni Albayalde, pinalalahanan ang bawat Filipino na huwag sanang malimutan ang sakripisyo ng SAF 44 na nagbuwis ng buhay laban sa mga terorista para tayo ay mamuhay ng tahimik at ligtas sa anumang kapahamakan.
Kaugnay nito, nagkaroon din ng kanya-kanyang seremonya sa iba pang kampo sa Luzon, Visayas at Mindanao para sa SAF 44.
Enero 25, 2015, nasawi sa pakikipag sagupa ang SAF 44 habang nasa kalagitnaan ng “Oplan Exodus” sa Mamasapano, Maguindanao kung saan ay magsisilbi ng warrant of arrest laban sa banyagang bomb maker ng Jemaah Islamiya na si Marwan na kalaunan ay napaslang sa naturang operasyon.
341