KAHIT BARYA PINAGTIYAGAAN, KOTONG EX-COP TIMBOG

ISANG dating pulis na sinibak sa serbisyo ang nasakote sa entrapment operation dahil sa pangingikil sa mga driver ng mga trak na nagde-deliver ng isda at binaril sa binti dahil umastang papalag, sa Navotas Fish Port Complex (NFPC) noong Biyernes ng gabi.
Nakasuot ng field service uniform ng pulis at nagpakilalang kasapi ng Maritime Group ang suspek na si Don De Quiroz Osias II, 39, ng #63 Rodriguez Subdivision, Dampalit, Malabon City, nang arestuhin ng mga operatiba ng Northern NCR Maritime Police Station (MARPSTA) dakong alas-8:30 ng gabi sa Bañera St., NFPC matapos kunin ang P100 marked money mula sa isang tunay na pulis na nagpanggap na pahinante.
Sinubukan umanong magbunot ng baril si Osias kaya pinaputukan ng mga operatiba sa binti at isinugod sa Tondo Medical Center kung saan siya ay binabantayan ng Maritime Police habang nilalapatan ng lunas.
Nakuha sa pag-iingat ng suspek na nahaharap sa kasong robbery extortion, ang P100 marked money, P470 salapi at isang motorsiklo.
Bago madakip, nakatanggap ang Maritime Police ng mga reklamo mula sa delivery truck drivers hinggil sa isang “Don” na nagpakilalang miyembro ng Maritime Group, kaya’t isinagawa ng
MARPSTA ang entrapment operation.
Positibong kinilala ng delivery truck drivers na sina Bryan Alcantara, 36; Gilbert Delia, 48; Cyril John Diaz, 36, at Bonifacio Salinay, 47, ang suspek na siyang kumukulekta sa kanila ng pera kada daan nila sa Bañera St., NFPC, North Bay Boulevard South Proper matapos magkarga ng mga banyera ng isda.
Nakatanggap din umano ang Malabon City Police ng impormasyon na nag-AWOL (absent without official leave) ang suspek, dalawang taon na ang nakararaan, matapos pumasok sa serbisyo noong 2008 at kasalukuyang pinaghahanap sa Malabon dahil sa kasong extortion. (ALAIN AJERO)
148

Related posts

Leave a Comment