IPINAKULONG ng isang 48-anyos na ginang ang kanyang kapitbahay makaraang gawing karelasyon ang 13-anyos nitong anak na dalagita sa Malate, Manila.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Acts 8353 (Rape) in relation to RA 7610 (Child Abuse Law) ang suspek na si Harvie Rey Villapaz, 21, cashier, may live-in partner, residente sa Camia St., Malate.
Samantala, bagama’t tutol na maghain ng reklamo ang 13-anyos na biktima na itinago sa pangalang “Amor,” Grade 8 student, desidido naman ang ina nito na ipakulong si Villapaz.
Batay sa ulat ng Manila Police District-Station 9, bandang alas-1:00 noong Huwebes ng hapon nang huling magtalik umano ang dalawa sa tinutuluyang kuwarto ng suspek.
Kinabukasan ng bandang alas-10:00 ng gabi, nagtungo ang ginang sa Arellano Police Community Precinct, sakop ng Station 9, upang ipakulong si Villapaz.
Nauna rito, nabuking ng kuya ng dalagita ang love affair nito sa suspek dahil sa mga text.
Dahil sa murang edad, nagawa umanong makumbinsi ng suspek na makipagrelasyon sa kanya ang dalagita, bagama’t may kinakasama na ang lalaki.
Nagsimula umano ang love affair ng dalawa noon lamang Disyembre 3. (RENE CRISOSTOMO)
136
