LABOR MALPRACTICE NG SHOPEE SISILIPIN NG KAMARA

ISANG resolusyon ang inihain sa Mababang Kapulungan ng Kongreso para imbestigahan ang umano’y labor malpractices ng online selling app na Shopee.

Sa House Resolution (HR) 1718 na inakda ni AAMBIS-Owa Party-list Rep. Lex Anthony Colada, inaasahan nito ang kaukulang mga komite sa Kamara na magsagawa ng imbestigasyon upang maproteksyunan ang mga empleyado ng nasabing kumpanya.
Sinabi ng mambabatas, nakababahala ang pagbabalewala ng SPX Philippine Inc., na mas kilala sa Shopee Express, sa mga batas paggawa sa Pilipinas kaya dapat itong imbestigahan.

Inihalimbawa ng kongresista ang kaso ng mahigit isang taong delay sa kompensasyon at sahod ng mga driver na naging dahilan para magprotesta ang mga ito noong 2021 at kawalan ng mga ito ng social at welfare benefits tulad ng accidental at health insurance coverage.

Hindi rin umano katanggap-tanggap ang pagsibak ng Shopee Express ng marami nilang empleyado kasama ang mga drivers noong 2022, gayung hindi naman nalulugi ang mga ito bagkus ay lumalawak pa ang kanilang operasyon.

“There has been an alarming increase in the number of labor cases related to and against SPX in that past and current year, including cases that involve labor-only contracting and union busting,” ani Colada.

Nakarating din umano sa Kamara ang aktibong pagharang ng SPX sa kanilang mga empleyado at driver na magtayo ng unyon at organisasyon dahil sa katuwirang hindi empleyado ng SPX at Shopee ang mga ito kundi ng kanilang sub-contractors.

Bukod dito, aalamin din umano sa imbestigasyon ang mga may-ari ng Shopee Philippines upang matiyak na hindi nalalabag ang Anti-Dummy Law at iba pang batas lalo na’t subsidiaries lang ito ng Singapore-base e-commerce giant na Sea Group. (BERNARD TAGUINOD)

33

Related posts

Leave a Comment