LALAKI, BINURDAHAN NG SAKSAK NG KAPITBAHAY

(Ni CHE ALMADIN)

Patay ang isang lalaki matapos na walang habas na pagsasaksakin ng kanila mismong kapitbahay sa hindi malamang kadahilanan sa Lungsod ng Valenzuela kamakalawa ng gabi.

Sa ulat ng Valenzuela City Police ay ganap umanong alas-10:20 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng L. Bernardino Street, Barangay Gen. T. De Leon ng nasabing lungsod.

Papunta umano sa tindahan sa nasabi ring lugar ang biktimang si Ricky Abayan, 28 anyos, binata, walang hanap buhay ng nasabi ring lugar, bitbit na bote ng beer upang bumili ng maiinom nang bigla itong sunggaban ng suspek na si Nilo Pulgo, Alyas Nelboy na kapitbahay lang ng biktima at pagsasaksakin sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Kahit tadtad na ng saksak ay nagawa pa ring makawala ng biktima sa suspek at magtatakbo palayo upang mailigtas ang sarili ngunit hindi na rin nito kinaya pa dahil paglagpas ng ilang kanto ay bumulagta na ito.

Kumaripas naman ng takbo ang suspek patakas bitbit ang ginamit na armas.

Mabilis namang naisugod sa Valenzuela City Medical Center ng mga kalugar nito ang biktima ngunit hindi na rin pinalad pang mabuhay at nasawi habang nilalapatan ng lunas.

Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagtugis sa suspek na nahaharap sa kasong murder.

Blangko naman ang pamilya at mga kapitbahay ng biktima hinggil sa motibo ng suspek sa pagpatay.

7

Related posts

Leave a Comment