LONA SUMABIT SA TREN; BYAHE NG MRT-3 NAANTALA

mrt1

(NI KEVIN COLLANTES)

SUMABIT na lona sa Overhead Catenary System (OCS) ang itinuturo ng Department of Transportation-Metro Rail Transit Line 3 (DOTr-MRT3) na dahilan ng pansamantalang pagkaantala ng kanilang biyahe nitong Huwebes ng hapon.

Sa advisory na inilabas ng DOTr-MRT3,  dakong 1:55 ng hapon nang mamataan ng driver ang naturang lona sa intersection ng northbound lane ng Boni Station at Shaw Boulevard, sa area ng Mandaluyong City.

Dahil dito, pansamantala munang ni-regulate ng MRT-3 ang traffic ng mga tren sa magkabilang linya dakong 1:57 ng hapon, upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang operasyon.

Nabatid na dakong 2:05 ng hapon nang dumating ang power personnel sa lugar para ayusin ang problema at tuluyang naialis ang lona mula sa OCS ganap na 2:21 ng hapon.

Kaugnay nito, umapela naman ang DOTr-MRT3 sa publiko na iwasang magtapon ng basura sa bisinidad ng kanilang mga istasyon upang hindi makumpromiso ang kaligtasan ng mga train commuters, at hindi maistorbo ang kanilang operasyon.

Humingi rin ng pang-unawa at paumanhin ang MRT-3 dahil sa pangyayari.

Ang MRT-3, na bumibiyahe sa kahabaan ng Epifanio delos Santos Avenue (EDSA), ang siyang nagdudugtong sa Taft Avenue, Pasay City at North Avenue, Quezon City.

 

 

166

Related posts

Leave a Comment