LRT2 TIGIL-BIYAHE; PROBLEMA SA RILES INAAYOS

lrt2a

(NI KEVIN COLLANTES)

NAGPAPATUPAD ang  pamunuan ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ng tigil-biyahe nitong Biyernes umaga, nang makitaan ng problema ang riles ng tren nito sa area ng Quezon City.

Ayon kay Light Rail Transit Authority (LRTA) spokesperson Hernando Cabrera, dakong alas-9:54 ng umaga nang magdeklara ng ‘code red’ ang LRT-2, dahil sa kaunting problema sa riles na malapit sa Cubao Station.

Sa ilalim aniya ng ‘code red’ ay pansamantalang ititigil ang operasyon ng mass rail system.

Kinakailangan ding mag-unload o magpababa ang mga tren ng kanilang mga pasahero sa istasyong pinakamalapit sa kinaroroonan ng mga ito at hindi na rin muna magpapapasok ng mga pasahero sa mga istasyon ng tren dahil wala naman silang biyahe.

Kaugnay nito, tiniyak naman ni Cabrera na nag-deploy na sila ng kanilang engineering staff upang magsagawa ng assessment sa sitwasyon at tukuyin kung ano ang susunod nilang maging aksiyon.

Habang isinusulat ang balitang ito, ay wala pa aniyang katiyakan kung kailan maibabalik sa normal ang biyahe ng kanilang mga tren.

Tiniyak naman ni Cabrera na kaagad nilang iaanunsiyo kung kailan maibabalik sa normal ang kanilang mga biyahe.

Humingi rin naman si Cabrera ng paumanhin sa kanilang mga pasahero na naapektuhan ng naturang aberya.

Ang LRT-2 ang siyang nag-uugnay sa Recto sa Maynila at sa Santolan sa Pasig City.

 

189

Related posts

Leave a Comment