MAG-ASAWA PATAY SA KOTSE

KAPWA namatay ang mag-asawang lulan ng motorsiklo habang sugatan ang isa pang rider nang mabundol ng kasunod nilang kotse sa España Blvd., Sampaloc, Manila, iniulat ng pulisya nitong Miyerkoles.

Kinilala ang mga namatay na biktimang sina Emilson Paguio, 58, at Anna Marie Paguio, 57, kapwa residente sa Governor Pascual St., Tinejeros, Makati City.

Samantala, sugatan naman ang isa pang rider na si Gerry Barangay Y Flores ng Julian Felipe St., Caloocan City.

Kalaboso naman at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in double homicide, physical injuries at 3 counts ng damage to property ang suspek na kinilalang si Jefferson Carreon, 31, ng Lawin St., Amparo Novaville, Brgy. 170, Caloocan City.

Batay sa ulat ni P/Capt. Jaime Gonzales, hepe ng Manila District Traffic – Investigation Section, bandang alas-8:54 ng umaga nang mangyari ang insidente sa panulukan ng España Boulevard at Quintos St. Sa Sampaloc.

Habang binabagtas ng mag-asawa ang España Boulevard lulan ng Yamaha Mio, kasabay ang isa pang biktima na lulan ng Rusi Sigma motorcycle, nakasunod naman ang isang Sedan, Mazda (AAA- 7622) na minamaneho ni Carreon.

Pagsapit sa nasabing lugar sa eastward ng Sampaloc, natumbok ang likurang bahagi ng motorsiklo na tumama pa sa isang motorsiklo.

Kapwa nawalan ng malay ang mag-asawa kaya mabilis silang isinugod sa magkahiwalay na ospital ngunit kapwa nalagutan ng hininga. (RENE CRISOSTOMO)

76

Related posts

Leave a Comment