MAKABAYAN BLOC NAIINIP SA PAGDAKIP KAY QUIBOLOY

NAGPAHAYAG ng pagkainip ang Makabayan bloc sa Kamara sa pagdakip sa puganteng si Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy na nahaharap sa iba’t ibang kaso kasama na ang non-bailable na kinakaharap nito sa Pasig Regional Trial Court.

Kahapon ay tinangkang isilbi ng Philippine National Police (PNP) ang Arrest Warrant laban kay Quiboloy sa KOJC Compound sa Sasa, Davao City na sinalubong ng protesta ng mga supporter ng dating religious adviser ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Habang isinusulat ito ay wala pang impormasyon kung nadakip si Quiboloy sa kanyang compound subalit mistulang naiinip na si Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel na maaresto ang religious leader.

“Matagal nang dapat hinuli ng pulisya si Quiboloy, isa sa top fake news peddlers and red-taggers sa bansa, at indicted child sex trafficking overseas,” ani Manuel na nagpost ng larawan kasama ang vice president ng kanilang partido sa Mindanao na si Harvey Lao sa harap ng KOJC compound na may hawak na placard na “arrest quiboloy” at “justice for victims of Quiboloy crime”.

Si Quiboloy ay inisyuhan ng arrest warrant ng Pasig Regional Trial Court sa kasong Qualified Human Trafficking na walang inirekomendang piyansa bukod sa paglabag sa Section 5 sa Republic Act (RA) 7619 o Special Protection of Children Against Abuse na inilipat sa Quezon City Regional Trial Court mula sa Davao City Regional Trial Court.

Nahaharap din si Quiboloy sa iba’t ibang kaso sa Estados Unidos kaya kasama ito sa top-wanted list ng Federal Bureau of Investigation (NBI).

Umaasa si Manuel na hindi titigilan ng PNP at iba pang law enforcement agencies ang paghahanap kay Quiboloy upang mapanagot ito sa kanyang mga krimen lalo na sa mga kabataang miyembro ng kanilang religious group. (BERNARD TAGUINOD)

37

Related posts

Leave a Comment