Matagal nang umiiral – Parlade RECRUITMENT NG CPP-NPA SA 18 UNIBERSIDAD

MATAGAL nang isinasagawa ng Communist Party of the Philippines – New People’s Army (CPP-NPA) ang pagrerekrut nila sa mga mag-aaral sa labingwalong pamantasan sa Metro Manila.

Kasama sa 18 ang Ateneo de Manila University (ADMU) sa Quezon City at De La Salle University (DLSU) sa Maynila, banggit ni Lt. Gen. Antonio Parlade, hepe ng Southern Luzon Command (SolCom) ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Isa rin si Parlade sa mga tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC), ahensiyang itinatag sa loob ng Office of the President (OP), na ang layunin ay lutasin ang armadong pakikibaka na mahigit 52-taon nang pinamumunuan ng CPP.

Ang ADMU at DLSU ay mga unibersidad na pag-aari, kontrolado at pinangangasiwaan ng mga relihiyosong organisasyong nakaugnay sa Simbahang Katoliko.

Ang Order of Jesuits ang may-ari ng ADMU, habang ang De La Salle Brothers naman ang nagmamay-ari ng DLSU.

Bukod pa ang dalawa sa University of the Philippines (UP). Ngunit idiniin ni Parlade na ‘notoryus’ ang UP sa 18 pamantasan.

Ang iba pang binanggit ni Paralde ay ang Polytechnic University of the Philippines (PUP), Far Eastern University (FEU), University of Santo Tomas (UST), De La Salle University (DLSU), Ateneo de Manila University (ADMU), Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM), University of Makati (UMak) at iba pa.

Hindi inilahad ni Parlade kung paano ang eksaktong paraan at diskarte ng CPP-NPA sa pagsasagawa nila ng pagrerekrut ng mga estudyante upang maging kadre ng CPP, o gerilya ng NPA.

Hindi rin naglatag ng kongkretong ebidensya ang heneral upang mapatunayang totoo ang kanyang isiniwalat.

Ibinunyag din ni Parlade na nadiskubre rin ng AFP na simula noong 2018 ay sinimulan na ring kumbinsihin ng mga “recruiter” ng CPP-NPA ang mga mag-aaral sa iba’t ibang sekondaryong paaralan sa Metro Manila.

Walang ibinigay na detalye si Parlade tungkol dito.

Inilabas ni Parlade ang impormasyong ‘matagal’ nang hawak ng AFP makaraang tapusin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang kasunduan sa pagitan ng Department of National Defense (DND) at UP na nilagdaan ng pamunuan ng dalawang institusyon noong Hunyo 1989.

Nakasaad sa kasunduan na bawal pumasok, maglunsad ng operasyon at manghuli ang militar nang walang pahintulot sa pamunuan ng UP.

Idiniin ni Lorenzana, kaya niya ipinawalang-bisa ang kasunduan ay dahil naging pugad ang unibersidad ng mga ‘kaaway ng estado’. (NELSON S. BADILLA)

276

Related posts

Leave a Comment