CLEARING OPS VS VENDOR SA PARAÑAQUE, ‘MARAHAS’

BINATIKOS ng dalawang senador ang “clearing operation team” ni Parañaque City Mayor Edwin Olivarez dahil sa ‘marahas’ na paghuli sa vendor nang ayaw nitong ibigay ang kanyang kariton sa pangkat ng tagapagpatupad ng batas sa lungsod.

Sabi ni Senadora Nancy Binay: “Even the strictest law has a heart in the right place. In these trying times, compassion & the desire to help those in need should be the moral compass. Imbes na saktan, unawain at tulungan na lang sana”.

Tinuran naman ni Senador Panfilo Lacson: “Justice and the rule of law must prevail, but there is nothing wrong if mercy may overrule justice”.

Pahayag ito nina Binay at Lacson hinggil sa marahas na paghuli ng mga tauhan ni Olivarez sa vendor sa Parañaque na tumutol sa pagkuha sa kanyang kariton.

Bukod sa pagiging alkalde ng Parañaque, si Olivarez ay kasalukuyang pinuno ng Metro Manila Council (MMC), samahan ng 17 alkalde sa Metro Manila.

Malinaw sa video na naging viral, ang pagtutulungan ng mga tauhan ng clearing operation team ni Mayor Olivarez.

Napansing isa sa mga humuli sa vendor ay sinipa pa sa mukha ang huli.

Nakita rin sa parehong video na binuhat ang vendor at sapilitang pinosasan.

Habang mahigpit ang pagkakahawak sa vendor upang maposasan ito, isa sa mga umaresto ay hawak ang vendor sa leeg, dahilan upang lumapat ang mukha sa kalsada.

At mukhang hindi siya sinasabihan ng mga umaresto kung ano ang kanyang kaso, na karapatan ng bawat dinadakip alinsunod sa Miranda Law.

Ang operasyon ng lungsod ay nakaugnay sa direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na linisin ang mga lansangan mula sa mga sagabal sa daloy ng mga sasakyan.

Ang pinuno ng nasabing pangkat ay si retiradong police Lt. Col. Rolly Santiago.

Napabalitang paiimbestigahan ng pamahalaang lungsod ang pangyayari upang malaman kung totoong umabuso ang mga tauhan ni Santiago. (NELSON S. BADILLA)

78

Related posts

Leave a Comment