MGA MOTORISTA AT RESIDENTE DISMAYADO SA ISINARANG TULAY

DISMAYADO ang ilang residente at motorista partikular na ang mga delivery rider sa pagpapasara ng isang pampublikong tulay na nagsisilbing “shortcut” ng mga ito patungo sa kanilang destinasyon sa isang lugar sa Binondo, Manila.

Ang pagpapasara sa Piedad Bridge ay dahil na rin umano sa isinasagawang konstruksyon ng 42-palapag na Royal Residential Tower sa may Piedad St., Binondo.

Daing ng ilang delivery motorcycle riders, naaantala ang kanilang mga idinideliber lalo na kung ang kanilang ginagamit na community driven navigation app ay itinuturong dumaan sa nasabing tulay.

Bukod dito, malaki rin ang nawawala sa kanilang kita kung saan nag-aabono pa sa oras na maantala ang kanilang delivery, lalo na sa mga establisimyentong nagtatakda ng oras ng kanilang pagdating sa lugar na pagdadalhan ng produkto o pagkain.

Dahil dito, napipilitan silang maghanap ng ibang madadaanang ruta na kadalasan ay naiipit na sila sa mas mabigat na daloy ng trapiko.

May ilang building din sa naturang lugar na katabi ng ginagawang gusali ang labis umanong naapektuhan, hindi lang sa mga bumabagsak na debris sa kanilang bubungan, kundi nagkakaroon na rin ng bitak ang kanilang pader.

Ayon pa sa ilang motoristang hindi na makagamit ang Piedad Street, sana ay masilip ito ng tanggapan ni Sec. Manuel Bonoan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Engineering Office at ng Building Official ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila upang makita nila ang perwisyo sa mga rider at ilang residente.

Nang makarating naman ang reklamo sa tanggapan ng Engineering Office ng Pamahalaang Lungsod, sinabi ni City Engineer Arman Andres na kaagad nitong ipaiinspeksyon ang tulay sa kanyang mga tauhan at tiniyak na gagawa ng kaukulang aksiyon bilang tugon sa hinaing ng mga motorista at residente sa lugar.

(RENE CRISOSTOMO)

40

Related posts

Leave a Comment