MGA NEGOSYANTE NANAMANTALA SA BENTAHAN NG TIMBA, DRUM

plastik

(NI KIKO CUETO/PHOTO BY KIER CRUZ)

TUMAAS na ang presyo ng mga ibinebentang mineral water maging ang mga ibinebentang timba.

Ito’y sa likod na rin ng patuloy na pila balde ng mga residente sa pagkuha ng tubig mula sa mga bumbero at tanker ng tubig.

Kasabay nito, aminado ang mga pumipilang residente ng Bgy. Barangka sa Mandaluyong City, na apektado na ang kanilang trabaho dahil kailangang gumising ng madaling araw para pumila sa tubig na gagamitin nilang pampaligo sa umaga, at mag-ipon para sa gagamitin ng mga mahal sa buhay.

Pumalo na sa P100 ang mga ibinebentang mga timba na dati’y nabibili sa halagang P80-P90 bawat isa.

Ang mga binebentang purified water, mula sa dating P95 ang kada 7 litro, ngayon pumapatak na sa P100 hanggang P105.

Ang mga bottled water supplies na tumatagal ng ilang linggo bago mabili, ay agad na ring nauubos sa mga tindahan.

Habang ang mga karinderya naman gumagamit na ng disposable plates at utensils o babalutin ng plastic ang mga ito.

Dahil diyan nagdagdag na sila ng presyo na aabot sa P2.

Aabot sa 27 na tankers ay ipinaiikot ng Manila Water oras oras ayon kay corporate communications head Jeric Sevilla.

Prayoridad nila ngayon ang mga ospital.

Naunang inihayag ng Maynilad na siyang nagsisilbi sa western half ng Metro Manila, na magbibigay sila ng tubig sa Manila Water.

Ang Maynilad ay may reservoirs na pumapalo sa 291-million liter holding capacity.

Itinayo nila ito nang magkaproblema sila dahil sa El Niño phenomenon noong 2010, ayon kay corporate communications head Jennifer Rufo.

Ang water level sa La Mesa Dam ay nasa 68.85 meters ng alas sais ng Martes ng umaga, mas mababa sa critical level na 69 meters above sea level.

Sinabi naman ni PAGASA Hydrologist Danny Flores na hindi naman maipapayo ang magsagawa ng cloudseeding.

“Iyung cloudseeding kasi depende iyun sa seedable clouds. Iyung clouds natin sa summer time, medyo maninipis. Hindi advisable iyung mag-cloudseeding,” sinabi nito.

 

 

 

100

Related posts

Leave a Comment