(NI KEVIN COLLANTES)
MAS nais pa umano ni Pasig City Mayor-elect Vico Sotto na matulog at magpahinga na lamang sa kanyang libreng oras, sa halip na maghanap ng pag-ibig.
Ang pahayag ay ginawa ni Sotto nang matanong sa isang panayam sa telebisyon kung may nobya na ba siya sa ngayon.
Sinabi naman ni Sotto na wala pa siyang panahon para sa kanyang love life, lalo na at inaasahang marami siyang kakaharaping problema sa lungsod, sa sandaling tuluyan na siyang manungkulan sa posisyon bilang bagong alkalde ng Pasig City.
“Wala talagang time,” ani Sotto, na tinaguriang ‘Millennial Mayor’ matapos na maluklok sa pwesto sa edad na 29 lamang.
“Talagang pag may free time ako, mas gusto ko pang matulog or magpahinga na lang.”
Ayon kay Sotto, pinagpapasa-Diyos na lamang niya ang kanyang buhay pag-ibig dahil mas prayoridad aniya niya ang mga kakaharaping problema sa sandaling magsimula na ang kanyang termino sa Hulyo.
“Tingnan na lang natin, Diyos na ang bahala kung paano mangyayari. Siyempre eventually, gusto mo rin naman di ba? But for now, focus-focus muna,” aniya pa.
Sa kabilang dako, tiniyak rin naman ni Sotto na wala siyang planong manatili sa kapangyarihan nang matagal.
Palagi aniya niyang ipinapaalala sa kanyang sarili na ang isang mahusay na lider ay hindi dapat manatili ng matagal sa kapangyarihan.
“Power tends to corrupt and absolute power corrupts absolutely,” aniya pa. “Ako, sa tingin ko ang magaling na leader, hindi nagtatagal sa kapangyarihan.”
Matatandaang sa katatapos na midterm elections ay tinuldukan ni Sotto ang may 27-taong pamumuno ng mga Eusebio sa Pasig City, nang talunin si incumbent Mayor Roberto ‘Bobby’ Eusebio.
Unang pumasok sa larangan ng politika si Sotto noong 2016 at nanalo bilang no. 1 councilor ng lungsod.
Aminado naman si Sotto na wala siyang planong tumakbo kaagad sa pagka-alkalde ngunit nagpasyang kumandidato nang makita niya ang pangangailangan ng pagbabago sa lungsod, at nang matiyak na walang nais na maglakas ng loob na kumalaban sa mga Eusebio.
Tiniyak ni Sotto na kahit na bata pa siya ay hindi siya magpapadikta sa kahit na sinuman, at sinigurong handa siya at alam niya ang kanyang trabaho at mga dapat gawin para sa ikauunlad ng lungsod at ng mga residente nito.
Nagpapasalamat rin naman si Sotto sa suporta ng kanyang mga magulang na sina showbiz veterans ‘Bossing’ Vic Sotto at Coney Reyes, na ang tanging payo lamang aniya sa kanila ay huwag kalilimutang magdasal at huwag mawawalan ng pananampalataya sa Panginoon.
164