(NI ROSE PULGAR)
SINUSPINDE ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang pagpapatupad ng Unified Vehicular Volume Reduction Program (UVVRP) o number coding scheme sa mga provincial buses sa Biyernes (Mayo 10) at Martes (Mayo 14) upang bigyan daan ang mga commuters na uuwi ng kanilang mga probinsiya para bumoto.
Sa abiso ng MMDA, ang suspensiyon ay para tiyakin na may sapat na pampublikong transportasyon ang mga mananakay patungong probinsiya at pabalik ng Metro Manila.
Ayon kay MMDA Traffic Czar Bong Nebrija, sinuspinde ang number coding upang mapadali ang biyahe ng mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang probinsya para bumoto.
Samantala, ang number coding sa lahat ng PUVs at pribadong behikulo ay awtomatikong suspendido ngayong weekends, Mayo 11, 12 at mismo sa araw ng halalan Mayo 13.
Kasama rin sa suspension ng number coding ang lungsod ng Makati at Las Pinas.
Balik naman ang pagpapatupad ng UVVRP o number coding scheme sa mga pangunahing lansangan ng Kalakhang Maynila sa Miyerkoles (Mayo 15).
Gayunpaman, terminal to terminal pa rin ang biyahe ng mga provincial buses at hindi sila pwedeng magsakay at magbaba ng pasahero sa EDSA.
126