(NI KEVIN COLLANTES)
SINIMULAN na ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ang pagpapalit ng mga lumang riles nito, Lunes ng gabi, upang higit pang mapaghusay ang ipinagkakaloob nilang serbisyo sa publiko.
Nabatid na dakong alas-11:00 ng gabi nang isagawa ang rail replacement at nagtagal dakong alas-4:00 ng madaling-araw.
Ayon sa MRT-3, nakapaglatag sila ng kabuuang dalawang pirasong Long-Welded Rails (LWRs) na tig-180 metro ang haba sa kahabaan ng Buendia hanggang Ayala Station (Southbound).
Matatandaan na nitong buwan ng Oktubre ay sinimulan ang pag-welding ng 4,053 piraso ng riles sa Rail Welding Area sa Taft Avenue Station kung saan pagdudugtung-dugtungin ang 10 piraso ng tig-18 metrong riles upang makabuo ng isang LWR.
Ang pagpapalit ng riles ay gagawin tuwing non-revenue hours o mga oras na walang biyahe ang MRT-3, mula alas-11 ng gabi hanggang alas-4 ng madaling-araw, at target na makumpleto pagsapit ng Pebrero 2021.
Sa sandaling mapalitan ang mga riles ay maiiwasan na ang pagkakatagtag ng mga bagon sa biyahe na isa sa mga pangunahing sanhi ng mga problema o aberya sa operasyon.
“Ang utos ni Secretary Tugade, palitan na ‘yung mga degraded at baku-bakong riles. This is long overdue. In fact, ‘yung kasalukuyang degraded state ng ating mga riles ang nagiging dahilan kaya nagiging matagtag ang takbo ng MRT-3. At ‘yang tagtag na ‘yan ay isa sa pinakamalalaking root causes kung bakit tayo nagkakaroon ng aberya,” saad ni Undersecretary for Railways Timothy John Batan.
Bukod dito, inaasahan din na magiging mas mabilis ang takbo ng mga tren, dahilan upang mapaiksi ang headway o waiting time, at madoble ang bilang ng mga pasaherong maseserbisyuhan ng MRT-3.
Ang pagpapalit ng riles ay isa lamang sa mga aktibidad na nakapaloob sa malawakang rehabilitasyon ng MRT-3.
352