PAGPAPASARA SA KALANGITAN LANDFILL SISIYASATIN

IIMBESTIGAHAN ng Department of Health (DOH) Region III ang anila’y “forced shutdown” ng Metro Clark Waste Management Corporation (MCWMC) sa Capas, Tarlac.

Sa isang memorandum na ipinadala kay Director IV Corazon L. Flores, ng Center for Health Development para sa Central Luzon, hinimok ni Director IV Gerna M. Manatad, ng Disease Prevention and Control Bureau, ang pagsasagawa ng imbestigasyon “upang matukoy ang mga additional facts and recommendations para sa pinakamagandang hakbang na gagawin ng DOH sa nasabing usapin.”

Nabatid na nasa 12 milyong residente ng Gitnang Luzon, at Hilagang Luzon, ang inaasahang maaapektuhan sa napipintong pagsasara ng 100-ektaryang Kalangitan Sanitary Landfill, sa Capas, Tarlac na nagsisilbi sa 150 local government units (LGUs) at mahigit isang libong kliyenteng pang-industriya sa Central Luzon, Pangasinan, at Cordilleras kasama ang Summer Capital ng Baguio City.

Ang liham ay nagsabi na ang “sapilitang pagsasara ng MCWMC sa Kalangitan, Capas, Tarlac, ay maaaring humantong sa isang malubhang krisis sa pamamahala ng basura na makakaapekto sa 12 milyon (katao) sa Central at Northern Luzon at hahantong sa napakalaking suliranin sa kalusugan.”

Nauna rito ay sinabi na ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at Clark Development Corporation (CDC) sa MCWMC na walang renewal ng kontrata sa Oktubre.

Ang MCWMC ay nagsampa na ng kaso laban sa CDC sa Angeles Trial Court sa hangarin na humingi ng Temporary Restraining Order (TRO) at sinabing magpapatuloy ito sa pagsisilbi sa mga kliyente nito kahit matapos ang kontrata.

Ang mga hospital waste treater na nagpoproseso ng humigit-kumulang 400 tonelada ng mga medikal na basura sa ospital bawat buwan ay nagpahayag ng pangamba na ang mga pasyente ng humigit-kumulang 1,000 ospital sa buong bansa kabilang ang maliliit na klinika at kanilang mga manggagawa ay malantad sa mga panganib sa kalusugan.

Sinabi ni Danny Abadilla, presidente ng Clark Sanitation Services, na ititigil nila ang paggamot sa mga dumi sa ospital kung itutulak ng BCDA at CDC ang kanilang planong isara ang Kalangitan Sanitary Landfill, sa Capas, Tarlac.

Sinabi ni Abadilla na ang mga dumi sa ospital na ito na binubuo ng mga hypodermic needles body fluids, body parts, pharmaceuticals, radioactive materials, at cytotoxic drugs ay nalilikha ng mga health care establishments, health-related laboratories, at health research facilities.

Dagdag pa nito na karamihan sa mga dumi sa ospital na ito na nagmumula sa Metro Manila, Cavite, Laguna, at hanggang Palawan, ay ginagamot sa kanilang recovery facility bago dalhin sa Kalangitan Sanitary Landfill na nag-iisang waste facility na akreditado ng Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Ang Kalangitan Sanitary Landfill ay ang “tanging sanitary landfill na akreditado ng DENR para tumanggap ng mga medikal na basura,” ayon kay Abadilla.

26

Related posts

Leave a Comment