PBBM DUMALO SA PNP COMMAND CONFERENCE

PINANGUNAHAN mismo ni Philippine National Police Commander-in-Chief, President Ferdinand Bongbong Marcos Jr. sa kauna-unahang pagkakataon, ang isinagawang command conference kahapon ng pambansang pulisya.

Agad nilinaw ni PNP chief, Police General Benjamin Acorda Jr. na walang kakaiba rito kundi regular na Command Conference lamang ng PNP hierarchy kasama ang kanilang commander-in-chief.

Sa nasabing pagpupulong ng senior PNP officers, nag ulat ang pambansang pulisya kay Pangulong Marcos Jr. hinggil sa accomplishments nito at maging sa kasalukuyang sitwasyong ng ‘peace and order’ sa bansa at internal security.

Hindi agad inilahad kahapon ng pamunuan ng PNP ang ibinabang direktiba ni Pangulong Marcos sa Pambansang Pulisya kaugnay sa mga usaping may kinalaman sa pagtitiyak ng seguridad, kapayapaan, at kaayusan sa Pilipinas.

Bunsod ng isinagawang command conference, pansamantala munang sinuspinde ang transakyon ng publiko sa ilang mga tanggapan ng PNP sa Kampo Crame bilang pagbibigay-daan sa naturang aktibidad.

Kaalinsabay nito ang mahigpit din na implementasyon ng seguridad sa buong kampo kung saan nagpatupad ng partial lockdown sa lugar mula alas-8:00 ng umaga at may ipinairal na traffic rerouting scheme, at no entry area sa Headquarters Support Service at sa ilang lugar.

Ayon kay PNP Public Information Office chief, PCol. Jean Fajardo, bandang alas-11 ng umaga nagsimula ang nasabing command conference sa multi-purpose center sa Kampo Crame na dinaluhan ng halos lahat ng mga opisyal ng PNP.

(JESSE KABEL RUIZ)

43

Related posts

Leave a Comment