PNP CHIEF, PROMOSYON NG MGA OPISYAL DADAAN NA SA CA

TULAD ng sistema sa Armed Forces of the Philippines (AFP), dadaan na sa makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang appointment ng mapipili ng Pangulo na hepe ng Philippine National Police (PNP).

Maging ang promosyon ng PNP officials mula Police Colonel hanggang sa Police Lieutenant General ay kailangang aprubahan muna ng CA na binubuo ng 13 senador at 12 congressmen upang mabusisi kung nararapat na itaas ang kanilang ranggo, base sa pinagtibay na House Bill (HB) 8327.

Sa botong 187 pabor at walang kumontra, inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ang nasabing panukala na nag-amyenda sa Republic Act (RA) No.6975 o Department of the Interior and Local Government Act of 1990, at RA No.8551, o Philippine National Police Reform and Reorganization Act of 1998″.

Nakasaad din sa panukala na apat na taong magsisilbi ang itatalagang PNP chief kaya hindi puwedeng italaga ang isang PNP officer sa nasabing posisyon kung anim na buwan na lamang ang natitira bago ang kanyang compulsory retirement sa edad na 56-anyos.

Upang mas mapalakas pa ang kontrol ng PNP chief sa buong puwersa ng mga kapulisan, magkakaroon ng command group na binubuo ng offices of the deputy chief of the PNP for administration, deputy chief of the PNP for operations, at chief of the directorial staff.

Magkakaroon din ng Area Police Commands (APC) na siyang mangangasiwa sa police regional offices, district offices, city police at municipal offices “in order to enhance the control of the Chief of the PNP”.

Ang PNP chief din ang magtatalaga ng APC Commanders subalit dadaan din sa CA ang kanilang appointment na siyang pinal na magpapasya kung ang appointees ay nararapat o hindi sa kanilang posisyon

“Through these various changes, we aspire to make the PNP more responsive in dealing with its present-day challenges, including internal issues,” pahayag ni House Speaker Martin Romualdez matapos pagtibayin ang nasabing panukala. (BERNARD TAGUINOD)

246

Related posts

Leave a Comment