Isang kagawad ng barangay na kilala ring political leader ni Malabon City Mayor Antolin “Len – Len” Oreta ang patay matapos paulanan ng bala ng dalawang kalalakihang armado ng mga baril sa Lungsod ng Malabon kahapon ng umaga.
Sa ulat ni Malabon City Police chief Senior Supt. Jessie Tamayao, kinilala ang biktimang si Rodrigo Tambo Alyas Tacio, 40 anyos, kagawad ng Barangay Catmon at residente ng Dulong Hernandez, Nagkakaisang Damdamin Homeowners Association Inc. (NADHAI) ng parehong lugar.
Kasalukuyan umanong kausap ng biktima ang kanilang barangay tanod na si Lawrence Margalio, 41 anyos, at parehong nakaupo sa isang balsa ganap na alas 8:32 ng umaga nang biglang dumating ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek na tinatayang nasa edad 30 hanggang 35, naka-tsinelas, nakasuot ng short pants at t-shirt.
Bigla na lamang umanong pinagbabaril ng mga ito ang biktima hanggang sa humandusay at mamatay.
Agad namang nakatakbo ang barangay tanod na si Margalio at nakaligtas.
Mabilis na tumakas ang mga suspek patungo sa hindi na nalamang direksiyon matapos ang kanilang pamamaril.
Hindi na dinala sa pagamutan ang biktima dahil wala na rin itong buhay.
Ayon naman kay Malabon Public Information Office (PIO) head Bong Padua, ang biktima ay limang taon ng aktibong lider ng Arya Progresibo – isang local organization sa lungsod na sumusuporta sa pamamahala ng kasalukuyang aklade. Nanguna, rin umano ang biktima noong nakaraang eleksiyon sa mga nanalong kagawad.
Samantala, nasa limang empty shells mula sa hindi pa nalalamang kalibre ng baril ang nakita sa pinangyarihan ng krimen na agad ding isinumite sa PNP Crime Laboratory para sa ballistic examination.
Kinundena naman ni Mayor Oreta ang nangyaring pagpatay sa kanyang political leader at mabilis na inatasan ang lokal na pulisya na agarang magsagawa ng imbestigasyon upang mahuli ang may kagagawan at managot sa batas.
366