Romualdez inalam presyo ng sibuyas at bigas SURPRISE INSPECTION IKINASA SA MERKADO

NAGSAGAWA kahapon si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez ng surprise inspection sa dalawang malalaking merkado sa Quezon City upang i-monitor ang presyo ng sibuyas, bigas at iba pang pangunahing pangangailangan.

Kasunod na rin ito ng mga ulat na nagkakaroon ng pagtataas ng presyo ng mga ito sa ilang lugar.

“Kaya andito tayo may mga ulat na tumataas na naman ang mga presyo kaya tinatanong natin dito sa mga nagtitinda ng sibuyas, bigas at bawang kung ano talaga ang dahilan bakit tumataas,” ayon kay Romualdez, sa isang ambush interview sa Commonwealth Market sa Fairview, Quezon City.

Bago bisitahin ang Commonwealth market, si Romualdez ay sinamahan nina ACT-CIS partylist Reps. Erwin Tulfo at Edvic Yap, para bisitahin ang Mega Q Mart sa Cubao, Quezon City.

Binalaan din ni Romualdez ang mga hoarder ng basic commodities sa posibleng prosekusyon.

Sinabi pa ni Romualdez na isinagawa nila ang inspeksiyon upang bigyan ng babala, hindi lamang ang mga hoarder, kundi maging ang mga ahensya ng pamahalaan, kabilang na ang Department of

Trade and Industry (DTI), Department of Agriculture (DA), at iba pang concerned agencies, na istrikto nilang minomonitor ang presyo sa mga pamilihan.

Dagdag pa niya, “Gusto naming malaman nila na binabantayan natin, kasi baka akala nila porke’t maraming nangyayari sa West Philippine Sea baka nakakalimutan natin ang isyu na ito. Hindi natin makakalimutan ito hindi natin pababayaan ito kasi ayaw nating mangyari yung kagaya nung nakaraang taon na pumalo at sumipa ang bilihin dito lalo na sa sibuyas. Kaya bigla na lang nagkaroon ng shortage daw.”

“Kaya sa mga hoarders sana naman wag nyo namang itago. Ilabas na lang yan,” aniya. “Huwag abusuhin at tutuluyan namin sila.”

Inamin ni Romualdez na base sa monitoring, bahagyang tumaas ang presyo ng basic commodities dahil sa pagtaas ng presyo sa world market.

“Nakita natin sa world market talaga may effect, pero syempre kailangan i-secure natin yan. At syempre binabantayan din natin at dapat ding alagaan natin yung mga magsasaka natin na dapat ay tamang presyo at anong klaseng suporta ang maibibigay sa kanila,” anang House Speaker.

“At kung ubos na ang ating production dapat ay merong reserve supply na galing sa Vietnam, Thailand o India. Gusto natin wag mag runaway ang presyo,” dagdag pa ng lider ng Kamara.

Una nang nanawagan si Romualdez ng “renewed campaign” upang pababain ang presyo ng sibuyas sa merkado, kasunod ng monitoring reports na aktibo na naman ang mga hoarders sa pagmanipula ng presyo nito.

Inatasan rin ng Speaker ang mga opisyal ng Bureau of Plant and Industry (BPI) na magreport sa kanya at iba pang lider ng Kamara at magpaliwanag kung paanong nagagawa ng mga hoarders na manipulahing muli ang presyo ng sibuyas.

191

Related posts

Leave a Comment