TIRADOR NG BISIKLETA TIKLO SA FOLLOW-UP

NATIKLO sa inilatag na manhunt operation ng mga tauhan ng Manila Police District – Malate Police Station 9, ang isang 32-anyos na lalaki matapos tangayin ang bisikleta na nagkakahalaga ng P35,000, sa Sta. Ana, Manila noong Lunes ng gabi.

Kinilala ang suspek na si Jefferson Picaso, may live-in partner, kaanib ng Bahala Na Gang (BNG) at residente ng Paco, Manila.

Batay sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Salvador Tangdol, station commander, bandang alas-7:30 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Barangay 608, Railroad Side, Sta. Ana, Manila.

Ayon sa salaysay ng biktimang si “Marie”, 32, resource coordinator, ng Barangay 761, Malate, Manila, dakong alas-6:00 ng umaga nang madiskubre nito na nawawala ang kanyang Pinewood Catana gravel bike na nagkakahalaga ng P35,000. Dahil dito, agad nagpasaklolo ang dalaga sa pulisya.

Agad nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ni Tangdol at sa pamamagitan ng CCTV sa lugar, nakitang tangay ng suspek ang bike ng biktima, makaraang pumasok sa bahay ng huli.

Sa isinasagawang follow-up operation, sa pangunguna ni Police Staff Sergeant Jess Isnani, ng Station Intelligence Unit, agad nadakip ang nasabing suspek. (RENE CRISOSTOMO)

142

Related posts

Leave a Comment