Tokyo Olympics, SEA Games-bound ATHLETES IDEKLARANG FRONTLINERS – SOLON

IPINADEDEKLARA ng isang mambabatas sa Kamara sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang national athletes, lalo na ang lalahok sa Tokyo Olympics at Southeast Asian Games, bilang frontliners.

Sa House Resolution (HR) 1507 na inakda ni 1PACMAN Party-list Michael Romero, hiniling nito kay vaccine czar Secretary Carlito Galvez na isama sa listahan ng frontliners ang mga atleta na sasabak sa nasabing kumpetisyon.

Layon ng nasabing resolusyon na maisama ang mga atletang ito sa prayoridad o unang mababakunahan sa sandaling dumating na sa bansa ang inorder na COVID-19 vaccines.

Unang itinakda ang Tokyo Olympic noong nakaraang taon subalit inurong ito sa Hulyo 23 hanggang Agosto 8, dahil sa pandemya sa COVID-19, habang gaganapin naman ang SEA Games sa Vietnam sa Nobyembre 21 hanggang Disyembre 2, 2021.

Dahil dito, kailangang makalabas na aniya ang mga atleta para mag-ensanyo kaya kailangang kasama ang mga ito sa mga mauunang mababakunahan sa lalong madaling panahon.

Base sa kasalukuyang patakaran ng gobyerno, uunahin ang medical frontliners sa babakunahan kapag dumating na ang bakuna sa susunod na buwan at isusunod ang mga matatanda, mahihirap at uniformed personnel.

Wala sa priority list ng gobyerno ang mga atleta kaya upang makasama ang mga ito sa mauuna sa pila ay dapat aniyang ideklarang frontliners ang mga ito. (BERNARD TAGUINOD)

 

49

Related posts

Leave a Comment