Top 5 most wanted nasakote 2 NALAMBAT SA P.4-M SHABU

INANUNSYO ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Brigadier General Danilo P. Macerin ang pagkakaaresto sa dalawang drug suspect na nakumpiskahan ng P408,000 halaga ng shabu sa buy-bust operation ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) noong Linggo sa Quezon City.

Kinilala ni P/BGen. Macerin ang mga suspek na sina Antonio Estrella alyas “Boss,” 54, at Aksani Sumandar, 34, pawang mga residente ng Brgy. Baclaran, Parañaque City.

Ayon sa ulat, isang confidential informant ang nag-report sa DDEU kaugnay ng ilegal na aktibidad ng mga suspek.

Agad naglatag ng buy-bust operation ang police operatives sa tulong ng Southern Police District (SPD), Baclaran Sub-Station at PDEA Regional Office-NCR, dakong alas-6:00 ng gabi noong Enero 31 sa #1382 Mactan St., Brgy. Baclaran, Parañaque City na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.

Nakumpiska sa mga suspek ang 60 gramo ng shabu na tinatayang P408,000 ang street value.

Samantala, arestado sa mga tauhan ng ISO Tracker Team ng District Mobile Force Battalion ng Quezon City Police District (QCPD) ang Bato Municipal Police Station top 5 most wanted person, sa Quezon City noong Linggo.

Kinilala ni QCPD Director, Police Brigadier General Danilo P. Macerin ang nadakip na si Rommel Rodriguez, 25-anyos, residente ng Brgy. Bagong Silangan.

Si Rodriguez ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest sa tulong ng Bato Municipal Police Station dakong ala-1:15 ng hapon noong Enero 31 sa Visayas corner Road 1, Brgy. Project 6.

Ito ay may warrant of arrest para sa kasong paglabag sa RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, na inisyu ni Lelu P. Contreras, ang presiding judge ng Branch 43, RTC, Virac, Catanduanes, at may inirekonendang piyansang P80,000 para sa pansamantala nitong paglaya. (JOEL O. AMONGO)

28

Related posts

Leave a Comment