RAPIDO ni PATRICK TULFO
KAMAKAILAN lang ay pumasyal ang aking pamilya sa isang mall sa Makati City kung saan nakaranas ang aking pamilya ng ‘di maganda.
Dahil ginagawa noong mga linggo na iyon ang mga parking ng Greenbelt Makati, napilitan kaming pumunta at mag-park sa Greenbelt 1 dahil punuan na ang ibang parking. Ito ang pinakalumang mall ng Ayala Corporation.
Dala ang aming anak na PWD (person with disability), sinabihan kami ng guard na buhatin na lang ang aming anak na nasa wheelchair pababa ng matarik nilang hagdanan mula sa parking dahil wala silang ramp o elevator para sa mga senior at PWD.
Sinabihan pa kami ng guard na lumipat na lang ng ibang parking building kung saan daw may mga elevator. Kung sa entrance palang ng parking ay may signage na sila na hindi “PWD friendly” ang kanilang building ay hindi na kami papasok o mag-aabang ng slot sa kanilang parking.
Bawal ito sa ating batas. Nakasaad sa RA 7277 o ang Magna Carta for Disabled Persons na kailangang maglagay ang mga pribadong gusali ng daanan para sa mga PWD at senior citizens na hindi kayang umakyat o bumaba ng hagdanan. Dapat ay inspeksyunin ito ng Makati City government upang matiyak na nasusunod ang batas na ito para sa mga PWD. Ayaw ko sabihin na takot sa mga Ayala ang pamunuan ng Makati City kaya’t nagbubulag-bulagan ang mga ito sa kakulangan ng kanilang mall.
May ilang mall din dito sa Metro Manila na hindi napaprayoridad ang mga PWD at senior citizen sa pagsakay ng mga elevator. Dapat ay higpitan nila ang pag-monitor ng mga sumasakay ng elevator, lalo na kung may nakapilang PWD at seniors. Dapat ay sabihan ng mga elevator personnel na mag-escalator o maglakad na lamang ang mga kayang maglakad at bigyang prayoridad ang mga hindi pwede sa escalator tulad ng mga naka-wheel chair.
306