INIHAYAG ni PNP chief, Gen. Rommel Francisco Marbil, na tutuldukan ang nagaganap na election related violence sa Maguindanao.
Tiniyak ng opisyal na hindi nito pahihintulutan na mamayagpag ang anomang uri ng pananakot at paggamit ng dahas sa lugar lalo na sa papalapit na eleksyon.
Sa isinagawang Political Candidates Forum and Peace Covenant Signing sa 6th Infantry Battalion Headquarters sa Awang, Cotabato City, iginiit ni Marbil na ginagawa nila ang lahat para matiyak ang maayos na electoral process.
Dagdag pa ng opisyal na poprotektahan ng PNP ang demokrasya at hahayaan na manaig ang balota at hindi ang bala.
Sa ngayon, puspusan ang koordinasyon ng PNP sa COMELEC at AFP para sa pinaigting na pagpapatupad ng seguridad sa Maguindanao.
Nabatid na kasama ang ilang bayan sa Maguindanao sa inisyal na listahan ng election areas of concern na natukoy ng PNP at COMELEC. (TOTO NABAJA)
