PINAALALAHANAN ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga motorista sa pagsasara ng ilang kalsada sa lungsod ngayong araw kaugnay ng pagdiriwang ng ika-453 Araw ng Maynila.
Payo ng Manila LGU, gumamit muna ang mga motorista ng mga alternatibong ruta at planuhin nang maaga ang lakad para maiwasan ang pagkaantala.
Tinukoy ang mga kalyeng sarado mula hatinggabi ng Linggo (June 24): Onyx Street mula Pedro Gil hanggang Zobel Roxas, Zobel Roxas Street mula Pablo Ocampo hanggang Pasig Line, at ang Florentino Torres Street, kilala rin bilang Dagonoy Street.
Samantala, tinanghal bilang Miss Manila 2024 si Aliya Rohilla ng Sta. Cruz, kung saan tinalo niya ang may 100 kandidata.
Si Mayor Honey Lacuna ang personal na nag-abot kay Rohilla ng korona, titulo, bouquet of flowers at P1 million in cash, pati na rin sa ibang nagsipagwagi matapos ang kumpetisyon noong Sabado ng gabi sa iconic Metropolitan Theater.
Ayon sa alkalde, mayroong malaking tungkulin si Rohilla na nakaatang sa kanyang balikat bilang ‘the face of Manila’ sa buong taon ng kanyang pag-upo sa trono bilang Ms. Manila 24.
Binati ng lady Mayor si Rohilla at ang ibang nagsipagwagi: Miss Manila 2024 2nd Runner Up – Daniella Moustafa from Tayuman; 1st Runner Up – Jubilee Acosta, Espana; Miss Manila Charity 2024 – Xena Ramos, Sta. Ana and Miss Manila Tourism 2024 – Leean Jame Santos, Manuguit. (JESSE KABEL RUIZ)
