MULING kinuwestiyon ng tatlong malalaking transport group ang desisyon ng ilang local government units (LGUs) sa Metro Manila na muling ipatupad ang Non-Contact Apprehension Policy (NCAP), dahil may nakabinbing Motion for Reconsideration (MR) sa Korte Suprema.
Sinabi ng transport leaders na sina Boy Vargas ng ALTODAP, Obet Martin ng Pasang Masda, at Liberty De Luna ng ACTO na dapat hintayin ng mga LGU ng Manila, Quezon City, Valenzuela, Parañaque, Muntinlupa at San Juan ang pinal na desisyon ng Korte Suprema sa legalidad ng NCAP.
Ayon sa tatlong grupo, kasama ang dalawa pang transport organization, hinamon nila noong 2022 ang pagpapatupad ng NCAP dahil umano sa paglabag nito sa mga umiiral na batas na hindi nagtatatag, nag-aawtorisa o bumabanggit sa paggamit ng no-contact apprehension.
Nangatuwiran din ang mga grupo na lumalabag sa due process ang pagpapatupad ng NCAP at may mga probisyon sa ilalim ng polisiya na hindi makatwiran, partikular para sa mga operator ng public utility vehicles (PUVs).
Bagama’t ibinasura ng Korte Suprema ang kanilang petisyon noong Hunyo, sinabi ng tatlong transport leader na hindi pa dapat ipatupad ang NCAP dahil nagsumite sila ng Motion for Reconsideration noong Agosto 5.
“Hindi po ako abogado subalit ang pagkakaintindi ko ng batas ay hindi muna ipinatupad ito dahil mayroon pang apela ang aming grupo tungkol sa paggamit nito,” ani Vargas.
“Susunod naman po kami, tiyak po iyon. Pero hindi naman siguro malaking kawalan sa mga LGU na magpapatupad nito na ipagpaliban muna habang wala pang pinal na desisyon ang Korte Suprema,” dagdag niya.
Samantala, sinabi ni Martin na agad siyang kumonsulta sa kanilang abogado nang mabalitaan ang desisyon ng ilang LGU na muling ipatupad ang NCAP.
“Ang paliwanag po sa atin ay wala naman pong nakasaad sa desisyon ng Korte Suprema na final and executory na ang dismissal ng aming petisyon. May karapatan po kami para sa Motion for Reconsideration at kami po ay sumusunod sa batas tungkol dito,” aniya.
Sa desisyon ng Korte Suprema, sinabi nitong ang pagbasura sa mga petisyon ay nakabatay sa kabiguang malampasan ng mga petitioner ang mga threshold issue at sa pag-ampon ng isang pare-parehong regulatory framework na naging dahilan upang maging moot ang mga petisyon.
“Walang tahasang pagpapasiya hinggil sa mga naunang inilabas, o resolusyon ng mga hinaing batay sa mga tiyak na katotohanan,” ayon sa desisyon.
Samantala, nakatakdang ipagpatuloy ng Manila, Quezon City, Valenzuela, Parañaque, Muntinlupa at San Juan ang pagpapatupad ng NCAP ngayong Oktubre 5.
Gumagamit ang NCAP ng CCTV cameras, digital cameras at iba pang teknolohiya upang idokumento ang mga paglabag sa trapiko nang hindi kinakailangang pigilan ng traffic enforcer ang mga motorista.
(PAOLO SANTOS)
97 