Itinakda ng Mynt, Inc., parent company ng GCash, ang final offer price para sa iniaalok nitong initial public offering (IPO) sa Philippine Stock Exchange (PSE) sa ₱6.60 kada share matapos ang bookbuilding process.
Sa final offer price, ang pagbebenta ng 8,027,409,600 common shares o Firm Shares ay may kabuuang halagang humigit-kumulang ₱53 bilyon.
Kung ganap namang mae-exercise ang overallotment option na hanggang 1,204,111,400 secondary common shares, aabot sa humigit-kumulang ₱60.9 bilyon ang kabuuang halaga ng IPO, na maaaring maging pinakamalaking IPO sa kasaysayan ng Pilipinas.
Sinabi ng Mynt na nagkaroon ng malakas na partisipasyon mula sa global at local institutional investors sa bookbuilding process, na ilang beses umanong na-oversubscribe bukod pa sa cornerstone commitments.
Inaasahang ibabatay ang final allocation sa laki at kalidad ng demand, kabilang ang layuning makabuo ng diversified shareholder base mula sa global at local institutions, gayundin ng retail shareholders.
“The depth and quality of demand we have seen through this process reflects investor confidence in Mynt’s growth story,” pahayag ni Evelyn Ng, Chief Finance Officer ng Mynt.
“We have sought to maintain meaningful access for Filipino investors as we transition to a public company. We believe the final price and allocation provide a strong foundation for Mynt’s next chapter and for creating long-term value for all our shareholders, while continuing to advance our mission of Finance for All,” dagdag niya.
Alinsunod sa pagkuha ng Permit to Sell mula sa Philippine Securities and Exchange Commission (SEC) at iba pang karaniwang kondisyon, inaasahang magsisimula ang Trading Participants and Retail Offer sa Oktubre 6, 2026 at magtatapos sa Oktubre 12, 2026.
Inaasahang ililista ang Offer Shares sa Main Board ng PSE sa ilalim ng ticker symbol na “GCASH” sa Oktubre 20, 2026.
Gayunman, mananatiling nakadepende ang timetable sa mga pag-apruba ng SEC at PSE, kondisyon ng merkado at iba pang karaniwang konsiderasyon.
Ang Morgan Stanley & Co. International plc, J.P. Morgan Securities plc at UBS AG Singapore Branch ang nagsisilbing Joint Global Coordinators at Joint Bookrunners para sa transaksyon.
Ang Jefferies Singapore Limited, CLSA Limited at The Hongkong and Shanghai Banking Corporation Limited, Singapore Branch ang International Joint Bookrunners, habang ang BPI Capital Corporation at BDO Capital & Investment Corporation ang Domestic Lead Underwriters and Joint Bookrunners.
Ang AB Capital & Investment Corporation at First Metro Investment Corporation ang Domestic Lead Underwriters, habang ang Maybank Securities Pte. Ltd. ang International Co-Manager.
Magsisilbi namang Domestic Participating Underwriters ang China Bank Capital Corporation, RCBC Capital Corporation at East West Banking Corporation.
Ilalabas ang iba pang anunsyo sa takdang panahon alinsunod sa mga naaangkop na regulasyon.
100 