MAHIGIT 400 reklamo ng vote buying at abuse of state resources (ASR) ang iniulat bago ang May 12 midterm elections, ayon sa Commission on Elections (Comelec).
Sinabi ni Comelec-Committee on Kontra-Bigay chairperson Commissioner Ernesto Maceda sa “Meet The Manila Press” nitong Martes, kabuuang 439 vote buying at ASR ang inihain hanggang noong Mayo 8.
Sa nasabing bilang, 268 ang vote buying, 139 ang ASR, at 41 ang vote buying at ASR.
Ayon sa komisyuner, karamihan sa uri ng vote buying na ini-report ay pamamahagi ng pera, cash assistance at pamamahagi ng mga bagay na may halaga.
Sa kabilang banda, ang ASR ay mga gawain sa uri ng “ayuda” o social welfare assistance.
Sinabi naman ni Comelec Chairman George Garcia, handa nilang suspendihin ang proklamasyon ng mga nanalong kandidato na may pending disqualification cases.
(JOCELYN DOMENDEN)
